Ang paglilitis

SA kaibuturan ng masukal na gubat, sa loob ng isang higanteng puno na inukit upang magsilbing sala ng hukuman, isinagawa ang isang paglilitis.

Dito, matagal nang nabaluktot ang katarungan sa kamay ng mga nakapwesto sa kapangyarihan.

Sa gitna, nakaluklok si Hukom Buwaya—isang buwayang ang tanging hatol na alam ay bitay.

Sa kanyang harapan, ang taga-usig na si Bayakan, isang dambuhalang paniki na namimintog sa kahambugan, handang wasakin ang sinumang nasasakdal.

Nakatali sa matinik na baging ang nililitis—si Midoro, isang matikas ngunit payat na Tamaraw. Marungis ang kanyang balahibo, sugatan ang kanyang mga paa, ngunit matindi ang apoy sa kanyang mga mata. Buo ang kanyang loob sa kabila ng mga paratang sa kanya.

Isang saksi lamang ang ipinatawag ng hukuman—si Pirok, isang tusong daga na matagal nang nagbebenta ng kasinungalingan depende kung magkano ang kabayaran.

Mabigat ang bagwis na dala ng hangin. Mas mabigat pa sa matinding init ng gubat.

Ibinaba ni Hukom Buwaya ang kanyang lumang panghampas—isang maso na gawa sa kahoy.

“Magsisimula na ang paglilitis ng Tamaraw. Ang mga kaso: paggulo sa katahimikan, pakikialam sa likas na kaayusan ng gubat, at pagpapalaganap ng mapanganib na kasinungalingan laban sa mga nagbabantay ng kapayapaan,” pasalaysay na wika ng Buwaya.

Napangisi si Bayakan.

“Kagalang-galang na Hukom, ang nilalang na ito—ang tamaraw na si Midoro—ay isang salot! Nilalason niya ang isipan ng mga hayop dito sa kagubatan! Itinuturo niya sa kanila na inaapi sila, na ginagamit lamang! Ano na lang ang mangyayari kung maniwala sila sa isang walang silbing tamaraw?”

Hindi natinag si Midoro.

Alam na ng mga hayop sa kagubatan ang katotohanan. Ako’y isang boses lamang sa mga nakakarami’t karamihan.”

Biglang nagsalita si Hukom Buwaya. “Maaari mong ipagtanggol ang iyong sarili, Tamaraw.”

Tumayo si Midoro, sinisikap iwaksi ang mga gapos.

“Kagalang-galang na Hukom, mga nilalang ng gubat, may ilang tanong lang po ako sa inyo—Kailan naging kasalanan ang magsabi ng katotohanan? Kailan naging paghihimagsik ang pagtatanong? Hindi ko itinusok ang aking sungay laban kaninuman. Ang tangi kong kasalanan ay hikayatin ang ating mga kasamahan sa kagubatan na maging mapagmatyag, makinig at magsalita, at maging mapanuri sa mga naka-pwesto sa kapangyarihan. Kasalanan ba ito kung ito ang dapat naman nating gawin sa buhay?”

Nagbulungan ang mga hayop sa paligid.

Napangiwi si Bayakan, sumiklab ang mapupula niyang mata.

“Huwag kayong magpalinlang! Sinisira ng Tamaraw na ito ang ating pinaghirapan! Nais niyang lunurin tayo sa mga pagdududa, at siraan ang mga nanunungkulan. Wala siyang ibang nais kundi dalhin ang buong kagubatan sa kaguluhan!”

Tumingin si Midoro sa Bayakan. “Dalhin ba sa kaguluhan, o kamtin ang katarungan?”

Ngumisi ang Bayakan. “Kagalang-galang na Hukom, ipatawag na natin ang saksi.”

Pumagitna ang Daga.

“Pirok,” wika ni Hukom Buwaya, “magsasabi ka ng totoo at pawang totoo lamang.”

Napalunok ang daga bago tumango. “Opo, Kagalang-galang na Hukom.”

Lumapit si Bayakan, malambing ang tinig. “Sabihin mo sa hukuman ang iyong nakita.”

Nag-atubili si Pirok, ngunit nang dumikit ang mga matutulis na kuko ni Bayakan, nagbuntong-hininga ito. “Na—nakita kong nakikipagsabwatan ang Tamaraw laban sa mga pinuno ng gubat. Sinabi niyang ang gubat ay para sa lahat! Na dapat lumaban ang mahihina laban sa mga makapangyarihan!”

Dahan-dahang sumagot si Midoro. “Alam mong hindi totoo ‘yan, Pirok.”

Napakislot ang daga.

“Nakita ko po ang Tamaraw na namumuno sa pulong!” pagpupumilit ni Pirok. “Nais niyang sirain ang kaayusan! Gusto niyang itulak ang lahat sa digmaan!”

Kumislap ang mata ni Hukom Buwaya. “Pirok, ikaw ba’y nanunumpa sa harap ng batas ng gubat na pawang totoo ang iyong sinabi?”

Saglit na nag-alinlangan si Pirok—alam n’yang mahahalata ang kanyang mga gawa- gawang kwento, at saka tumango. “Opo, Kagalang-galang na Hukom.”

Huminga nang malalim ang buwaya, dahan-dahang pumalo sa sahig ang kanyang buntot.

“Matagal nang umiiral ang batas sa gubat. At umiiral ang batas upang panatilihin ang kaayusan. Kung may sisira sa kaayusang ito, ano na ang matitira?” ani ng buwayang hukom.

Lumingon si Bayakan sa hukom. “Kagalang-galang na Hukom, hindi ikinaila ng Tamaraw ang kanyang mga kasalanan. Hindi siya nagsisisi. Uulitin pa niya ito kung bibigyan natin siya ng pagkakataong mabuhay.”

Tinitigan ni Hukom Buwaya si Midoro. “Sinasabi mong ika’y nagsasabi ng totoo. Ngunit ang katotohanan, ikaw ang nagpanimula ng paghihimagsik sa loob ng kagubatan. At ang hatol sa paghihimagsik ay kamatayan. Ngayong araw din ay magpapasya ang hukuman.”

Natahimik ang paligid.

Napangisi si Bayakan. “At ano po ang hatol, Kagalang-galang na Hukom?”

Halos hindi gumalaw ang malalaking panga ni Hukom Buwaya—“Kamatayan. Napagkasunduan ng hukumang ito na nagkasala ang Tamaraw ng pagtataksil laban sa batas ng gubat.”

Inaasahan na ni Midoro ang bitay na hatol ng buwaya.

Sa unang pagkakataon, tiningnan ni Pirok si Midoro.

Kumikibot ang balbas ng daga. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kanyang ulo. Hiyang-hiya ito sa Tamaraw.

Samantalang si Bayakan, maaninag ang saya sa kanyang mapupulang mata, humarap kay Midoro.

“May huling salita ka ba, Tamaraw?”

Ngumiti lamang si Midoro. Hindi ngiting talunan. May kung anong kakaibang wangis ng kasiyahan sa kanyang tingin.

“Maaari ninyo akong patayin,” aniya. “Ngunit ang gubat ay nakikinig. Ang mga hayop, ang mga puno, ang mga ilog, ang hangin mismo ay nakakakita’t nakakarinig. Lahat sila’y nakakaalala. Di sila nakakalimot. At balang araw, gaano man kayo kalakas—gaano man ninyo baluktutin ang katotohanan—ang gubat ay mananatiling tapat sa alaala ng katotohanan.”

Muling nagsalita ang Hukom Buwaya: “Isasagawa ang pagbitay sa pagsikat ng araw!”

Humigpit ang mga kadena ni Midoro. Muling sumilay ang ngisi ni Bayakan. Nabalot ng konsensya ang Daga.

Kinabukasan, inilibing ang Tamaraw.

Umiyak ang gubat. Sa dilim, isang hudyat ang umalingawngaw sa hangin.

At iyon na ang simula ng tahimik na paghihimagsik.

***

PAGGUNAM-GUNAM:

Kapag ang isang lipunan ay matagal nang pinagmamalupitan ng mga nasa kapangyarihan, mananawagan na mismo ng pagbabago ang taumbayan.

Sa kabuuan, ang kwentong ito ay isang alegorya ng paglaban sa pang-aapi, pagpapahalaga sa katotohanan, at ang hindi maiiwasang pagsiklab ng pagbabago sa harap ng kawalang-katarungan.