PARANG batang uhugin na nagsumbong sa kanyang mga magulang si Jose Antonio “Anton” Sanvicente nang una nating siyang makita sa TV.
Si Anton ang sinasabing driver ng Toyota Rav 4 na sumagasa sa security guard na si Christian Joseph Floralde sa Mandaluyong City kamakailan.
Kasama ang kanyang Daddy at Mommy at abogado ay tahimik sa humarap sa publiko si Anton courtesy ng TV program ng Philippine National Police (PNP) na ang host ay mismong si PNP OIC Lt. Gen. Vicente Danao Jr.
Sa nasabing presscon ay nagsalita ang Mommy ni Anton na nagsabing kawawa naman daw ang kanyang anak at baka masira ang future nito dahil sa mga pangyayari.
Nagpanic daw kasi si Anton kaya tinakasan niya ang naaksidente niyang sekyu makaraan itong sagasaan ng minamaneho niyang sasakyan.
Nagsalita rin syempre ang abogado dahil yun naman talaga ang papel niya sa presscon na iyun ang ipagtanggol ang parang tulala na si Anton.
Bagama’t nag-sorry ang kanilang kampo sa biktimang sekyu at nag-alok na rin daw ng tulong pinansyal ay hindi naman kinakitaan man lang ng empathy sa kanyang pananalita si Anton.
Hinamon rin siya ng ilang reporter kung willing siyang magpa-drug test.
Ang sagot ni Anton ay depende daw iyun sa magiging tugon ng kanilang abogado.
Sa isang traffic incident ay kadalasang isinasalang sa mandatory alcohol test ang mga sangkot na partido.
Pero hindi nga ito nagawa kay Anton dahil para siyang nakakita ng multo at nagmamadaling tumakas sa lugar ng krimen nang sagasaan niya si Floralde.
Inabot pa ng higit sa isang linggo bago siya lumantad sa mga otoridad kahit alam niyang pinaghahanap siya ng mga ito dahil sa kanyang ginawang krimen.
Marami ang pwedeng mangyari sa loob ng isang linggo at hindi ko na idedetalye iyun lalo’t ang dami ko nang narinig na kwento tungkol sa makulay na pagkatao ni Anton.
Sa korte na lamang niya sagutin ang mga isyung iyun dahil alam ko na lalabas rin sa publiko ang katotohanan sa kanyang pagkatao.
Mas bilib ako sa mga taong nasasangkot sa mga pagkakamali maging ito ay sinadya man o hindi na humaharap sa kanilang pananagutan.
Mas tunay na lalaki ang humaharap sa responsibilidad kesa sa mga nagpapasama pa sa magulang para lamang siya ipagtanggol sa harap ng publiko.
Buntot mo …..hila mo…ika nga sa matandang kasabihan.
Para kay Gen. Danao naman, nabawasan ng malaki ang tyansa niyang maging full-fledged PNP chief dahil sa tila ay pag-baby sit kay Anton.
Mantakin mo ba namang sa mismong programa pa ng PNP nabigyan ng libreng air time ang litanya ng grupo ni Anton.
Sana ay huwag na itong maulit at sa mga lahi ni Adan na masasangkot sa mga ganitong kahalintulad na pangyayari…..magpakalalaki kayo!
Yun naman ay kung tunay nga kayong lalaki.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]