SIMULA ngayong Hunyo ay nakatakda nang i-rollout ang pagbakuna sa ating mga economic frontliner at manggagawa sa gobyerno (A4). Bunsod ito ng pagdating ng milyun-milyong bakuna galing Tsina (Sinovac) at sa COVAX facility (kasama na ang mahigit na 2 milyon na gawa ng Pfizer) ng World Health Organization. Sa vaccination rollout na ito ng gobyerno ay inaasahang unti-unti nang sisigla ang ating ekonomiya na naging matamlay sa loob ng isang taon gawa ng mga lockdown sa mga apektadong lugar lalo na sa mga mega-siyudad kagaya ng Metro Manila at iba pang matataong lugar.
Medyo marami ang nabagalan sa response ng gobyerno sa vaccine drive mula nang simulan ito noong March 1, kasabay pa nito ang pagdadalawang isip ng ilan sa ating mga kababayan na isa sa mga maaaring maging hadlang para makuha natin ang herd immunity, na ayon sa ating mga eksperto ay malamang na umabot pa hanggang 2022 dahil sa kabagalan nang dating ng bakuna.
Kasabay ng rollout ang mungkahi ng mga eksperto sa Department of Health at pandemic officials na i-concentrate na muna sa NCR at mga karatig na probinsya, Metro Cebu at Davao City ang karamihan sa mga bagong dating na vaccine upang maibaba ang bilang ng impeksyon ng COVID-19 at makapag-trabaho na ang lahat.
Kasabay din ng rollout na ito ang malawakang information campaign upang makumbinsi ang higit na mas nakararaming Pinoy na magpabakuna na upang mapigilan ang pagdami ng mga may sakit na dinadala sa mga ospital at pagkamatay nang sa gayon ay lalo pang mapasigla ang ating ekonomiya.
Sa ngayon kasi ay umaabot pa lang sa mahigit na dalawang porsiyenyo (2%) ang nababakunahan at sa tingin ko ay may kabagalan ito.
Ngunit bago pa man ilatag ang rollout ay lumabas ang mga opinyon na tatlo lamang sa 10 Pilipino ang handa na mabakunahan. Ayon sa non-commissioned survey ng Social Weather Station (SWS) mula April 28 hanggang May 2, 2021 ay 32 porsiyento ang gustong mabakunahan samantalang 33 porsiyento ang ayaw, at aabot sa 35 porsiyento ang hindi sigurado.
Hiwalay ito sa isa pang survey ng SWS tungkol sa kumpyansa (confidence) sa bakuna dahil 51 porsiyento ng Pinoy ay mataas ang kumpansya sa mga inilatag na bakuna at 17 porsiyento lamang ang hindi kumpyansa (pwede ring walang tiwala) at 31 porsiyento ang hindi sigurado.
Lumabas din sa survey karamihan sa mga kumpyansa sa bakuna at sa mga gustong magpabakuna ay lumalaki rin sa antas ng pinag-aralan.
Sa aking pananaw, malaking papel ang ginagampanan ng tamang edukasyon at media sa ating mga desisyon pagdating sa bakuna. Nagsimula lang ang mataas na level ng alinlangan sa mga bakuna matapos ang anomalya sa Dengvaxia at ang relasyon nito sa mga napabalitang namatay matapos magpabakuna ng nasabing anti-dengue vaccine, na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutuldukan.
Lumalabas kasi na minadali ang procurement ng bakuna at hindi na inform ang populasyon sa tamang pag gamit nito. Lumalabas din kasi sa mga pag-aaral na epektibo lang ang bakunang ito sa mga taong nagkasakit na ng dengue at wala pang data kung nakakasama ba ito sa mga hindi pa nagkakaroon ng sakit. Ayun, minadali kahit na walan namang emergency katulad ng sa pandemyang nararanasan natin ngayon.
Malaki rin ang papel ng media lalo na sa larangan ng broadcast at social media dahil karamihan sa mga nag-aalinlangan sa mga bakuna ngayon ay dito kumukuha ng balita. Kapag basura o mali nga naman ang balita ito na ang kanilang pinaniniwalaan lalo na yung mga hindi na nakapag-aral.
Maaring pagsimulan ng mainit debate ang opinyon kong ito ngunit sa tingin ko ay napapanahon na upang salubungin natin ang mga ganitong isyu ng taas noo at gamit ang siyensya.
Kasalanan ba nang ilang sector ng media? Kakulangan sa edukasyon? O, nang mga pinaghalong kakulangan ng gobyerno at ng laganap na kahirapan?
Sama-sama nating hanapin ang katotohanan.
P.S. Maligayang kaarawan sa aking bunsong anak na si Ylina Philomena Garafil, mas kilala sa kanyang pamilya at mga kaibigan na si Mimay. Natatangi ang kanyang kaarawan at sa iba pang nagdiriwang ng araw ng kapanganakan dahil sa araw din na ito ipinagdiriwang ang Vesak Day, o araw ng kapanganakan, enlightenment (kaliwanagan) at kamatayan ni Gautama Sidharta o mas kilala sa tawag na Buddha. Ang Vesak Day ay ipinagdiriwang ng mga buddhist sa buong mundo kapag sumapit ang full moon ng buwan ng Mayo na nagkataon naman na kasabay na Lunar Eclipse at super blood (full) moon. Visible po sa Metro Manila ang astronomical event na ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]