NOONG ipinakilala ng liderato ng Philippine National Police ang kontrobersyal na battle dress uniform (BDU) sa mga pulis noong 2019 bilang kapalit ng asul na general office attire (GOA), wala masyadong nakapansin dahil inaakala ng publiko na pansamantala lamang ito.
Ngunit makalipas ang mahigit tatlong taon ay hindi na tinanggal ng liderato ng PNP ang nasabing BDU at ito na ang karaniwang ginagamit na uniporme ng mga pulis na nakikita natin sa mga kalsada sa Metro Manila maging sa buong bansa. Ang BDU ng pulis ay halos kapareho ng pixelized na camouflage uniform ng Philippine Army.
Walang malinaw na paliwanag ang PNP maging ang National Police Commission (Napolcom) at Department of Interior and Local Government (DILG) kung bakit nila isinaisantabi ang dati nilang traditional na uniform na sa tingin ko ay mukhang mas disente at kaaya-ayang tingnan.
Sa mata kasi ng mga sibilyan masyadong nakakapangilag ang isang pulis na naka uniporme ng BDU lalo na at karamihan pa rin sa kanila ay inaakusahan ng mga sari-saring paglabag sa karapatang pantao. Hindi pa kasama diyan ang mga nakatalang kaugnayan nila sa mga sunud-sunod na patayan dahil sa war on drugs ni Pangulong Duterte na ayon sa mga human rights watchdogs ay umabot na sa libu-libong napatay na biktima.
Kasabay ng pag shift sa BDU ay ang biglang pagbalik ng ranggo ng PNP na kapareho na ng Armed Forces of the Philippines. Kung ang isang pulis ay may dating ranggong police officer 1, ito ngayon ay napalitan na ng patrolman. Ganun din sa mga opisyal dahil ang dating chief superintendent ay ibinalik na sa police brigadier general habang ang hepe ng PNP na dating may ranggong Director General ay balik na sa police General.
Sa mga eksperto ng national security at public safety policy-making isa itong (paggamit ng camouflage) pag about-face sa nag e-exist na polisiya na nakabase sa atas ng 1987 Constitution na nagsasaad na dapat ay mayroon tayong isang national police na civilian in character.
Ang pagbalik na lang sa ranggong militar ay tingin ng karamihan na bumabalik na tayo sa mas mahigpit na pamamalakad sa gobyerno dahil maging ang mga maliliit na violation lamang katulad ng di paggamit ng face mask at face shield ngayong kasagsagan ng pandemya ay mas multa na at kasama pang kulong.
Maging ang pag-aresto at pagpasok ng mga pulis sa mga kabahayan ng wala man lamang search o arrest warrant na galing sa korte nababalewala na. Hindi pa naman siguro tayo umaabot sa punto ng authoritarian rule pero ang mga paglabag na ito sa ating mga karapatan ay maaaring mag udyok sa mga nasa poder na abusuhin ito, lalo na yung mga unipormadong pulis na pinagkatiwalaan natin na dapat na siyang mangangalaga sa katahimikan at seguridad ng mga komunidad.
Ang pagpapalit ng uniform o police attire ay may malaking impluwensya sa isip ng mga sibilyan.
Sa aking pagkakaalam kasi ang BDU ay ginagamit lamang sa mga operasyong militar. At dahil camouflage ang pattern nito para hindi makita ng kalaban sa isang enkwentro lalo na kapag sila ay nasa kagubatan o ang terrain na ginagalawan nila ay maraming halamanan. Sa Metro Manila ang isang pulutong na aramdong pulis na naka BDU ay isang masamang pangitain sa mga residenteng nakakakita sa kanila.
Lumalabas kasi sa mga pag-aaral na ang paggamit ng camouflage uniform ay may dahilan—at ito ay upang idomina ang kalaban. Magmula ng maupo si Bato de la Rosa bilang hepe ng PNP, na nagtuloy hanggang kay Debold Sinas at ngayon nga, kay Guillermo Eleazar ay hindi na nagbago ang patakaran sa kanilang uniporme.
Sinadya ba talagang ipagpatuloy ang polisyang ito para ipagpatuloy ang dominasyon sa mga sibilyan? Sa ganang akin, malaki ang epekto nito sa sikolohiya at mental health ng mamamayan dahil takot na ang namamayagpag sa kanilang kaisipan kapag nakakita ng unipormadong pulis na naka BDU lalo na ngayon na matagal tayong nakakulong sa ating mga tahanan gawa ng mga lockdown.
Hindi katulad na noong naka asul na uniporme pa sila, hindi ka matatakot na lapitan sila at humingi ng tulong pero ngayon mukhang iba na ang sitwasyon. Lumalabas kasi sa mga paga-aral na isang military mindset ang lumilitaw kapag ang isang police organization ay may mukha at umaastang mga sundalo dahil ipinapakita nito na kaaway nila ang publiko at ang mamamayan ay itinuturing nilang isang “enemy combatant.”
Pati ba naman sa Coast Guard?
Hindi lang naman ang PNP ang may ganitong mindset ngayon. Maging ang Department of Transportation and Railways (DoTR) ay may sarili na ring “private army” sa papamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG). Ngunit sa halip na magpatrulya sila sa mga karagatan ng Pilipinas at bantayan ang mga pantalan (na nagsa suggest na kaya nga Coast Guard sila upang bantayan ang mga baybayin) ay inilagay sila sa mga lugar na hindi naman talaga nila dapat bantayan.
Nito lamang kasing nakaraang linggo, nakita ko na halos isang kumpanya ng Coast Guard ang nakatalaga sa NAIA Terminal 3 at lahat sila ay pawang mga armado at naka full battle dress uniform na grey camouflage (pixelized).
Hindi naman sa sinisita ko ang kakayahan ng DoTR ng mga armadong Coast Guard personnel sa NAIA dahil nasa ilalim naman ito ng kanilang kontrol, pero hindi ba dapat na italaga sila sa mga lugar na mas higit silang kailangan. Dati-rati naman na ang PNP Aviation Security Group at Airport Police ang nakatalaga sa ating mga airport.
Ok lang sana kung hindi undermanned ang mga isla at mga pantalan na dapat nilang bantayan, kaya lang lumalabas na talagang kulang ang distribution ng personnel sa mga pantalan lalo na dun sa mga isla ng Southern Tagalog, Visayas at Mindanao. Pumunta ka sa isla ng Sibuyan sa Romblon at makikita mo na halos lima lamang ang mga tauhan doon na hindi pa naka uniporme. Ganyan din ang sitwasyon sa iba pang mga isla sa Pilipinas.
Dito nga lang sa Edsa ay makikita mo sila na nagmamando sa mga carousel bus na dapat ay trabaho na ng PNP o ng MMDA.
Ang masaklap pa nito ay para na rin silang mga tauhan ng PNP na sa halip na pormal na service uniform ay BDU din ang kanilang gamit. Kaya’t maitatanong mo sa sarili mo kapag nakasalubong mo sila kung “May g’yera ba?”
Bagamat lumaki ang bilang ng PCG sa mahigit na 17,000 personnel, ang bulto ng mga tauhan nito ay naka concentrate pa rin sa Metro Manila at ang mga unit na ito ay nakatalaga sa mga lugar na hindi mo sila ini expect na makikita. Sana naman ay temporary lamang ang deployment na ito.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]