Ang Askal sa Bagumbayan

AKO si Usman, ang matapat na alagang aso ng aking Amo—ang Maestro.

Ang taon ay Disyembre 15, 1896.

Sa madilim na selda ng Fuerte de Santiago, ang malagkit na hangin mula sa Ilog Pasig ay may kabigatan dala ng nalalapit na paghatol. Ngunit sa kulob na lugar na iyon kung saan naging santuwaryo ng mga ideya at animo, ng mga mithiin at tapang—ang saloobin ng aking Amo ay parang isang nagngangalit na ilog ng hindi mapigilan ang pag-agos.

Nakatingin sa pader na bato ang mga mata ng aking Amo habang iniuukit niya sa papel ang kanyang mga iniisip.

Noong araw na iyon, minabuti ng aking Amo simulang isulat ang kanyang manifesto—isang desperadong pakiusap para ituwid ang maling paratang sa kanya ng mga Kastila.

Biglang naging malamig at tahimik ang selda. Ang kanyang bawat hininga ay tila tulang inaawit nang pabulong.

Ang aming mga pag-uusap ay hindi kailangang ibigkas, ngunit ang aming pagkabuklod ay tila mas lalong lumalim.

Habang ang aking Amo ay lumalayag sa natitirang mga araw ng Disyembre 1896, ang bawat dumadaang oras nama’y pabigat nang pabigat.

Sinimulang isulat ng aking Amo ang kanyang manifesto. Sa loob ng selda ako’y umupo sa kanyang tabi, manghang-mangha kung paano siya nakakapagsulat gamit ang kaliwa’t kanang kamay.

Madalas, kinakausap niya ang kanyang sarili.

“Ang mga reporma ay dapat magmula sa itaas,” aniya. At kanyang isinulat ito sa manifesto.

Sa bawat diin ng kanyang panulat, naramdamdam ko ang pagod ng kanyang diwa.

“Walang halaga ang kalayaan kung ito ay aanib lamang sa siklo ng paniniil. Walang saysay ang kalayaan
kung hindi magiging karapat-dapat ang Pilipino—kung walang edukasyon, kung walang pagsusumikap,” patuloy niya.

Hindi ko lubos na gagap ang mga salitang isinulat ng aking Amo, ngunit nauunawaan ko ang lungkot sa bawat pariralang binubuo ng kanyang mga titik.

May dalang bigat ang kanyang tinig. Paupos na rin ang liwanag mula sa kandelabra. Kahit na ang mga
pader ng Fuerte de Santiago ay tila tumutulong na pigilin ang anumang natitirang pag-asa na inukit ng
bawat letra.

Oo, ang aking Amo ay walang iba kundi si Dr. José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda—o, kilala
ng lahat bilang si Jose Rizal.

Kilala ko siya bilang “Doktor”—ang tawag sa kanya sa Dapitan, ang lugar kung saan niya ako kinupkop at
inalagaan.

“Usman…” panimula niya na may kalungkutan sa kanyang mga mata, “ang manifesto na ito ay dapat maging isang tanglaw ng katwiran sa magulong panahong ito. Dapat kong linawin na tutol ako sa armadong rebolusyon; imposible ito, walang katuturan, at mapaminsala. Ang mga reporma ay dapat magmula sa itaas, sapagkat yaong umaangat mula sa ibaba ay nagdadala ng karahasan at kaguluhan.”

Ikiniling ko ang aking ulo, sinusubukang intindihin ang kanyang mga sinasabi.

“Ngunit, Guro…” tumahol ako, “bakit kailangan mong isulat ang manifesto na ito kung ang iyong dalawang
libro ay nagpapakita na ng iyong mga intensyon?”

Agad na naunawaan ng aking Amo ang aking tahol. Nilapitan niya ako’t lumuhod, tumitig sa aking mata
na tila may nais ipaliwanag.

“Ang mga aklat na iyon ay naglantad sa mga ginagawang pang-aapi ng mga prayle at mga Kastila sa
atin,” pabulong niyang sabi— “ngunit ang manifesto ay isang pagtatangka na maghatid ng ibang
mensahe. Isang mensahe ng kapayapaan, pagsulong, at isang panawagan para sa mga reporma na
mula sa loob.”

Napabuntong-hininga ang aking Amo at nagpatuloy sa pagsusulat.

“Sa ‘Noli,’ inilantad ko ang pang-aapi sa ating bayan, ang kalupitan ng mga prayle, at ang katiwalian ng mga opisyal na Kastila. Ang ‘Fili’ ay naglalayong maliwanagan ang taumbayan at ilapit ang ating bayan sa
mga katotohanan. Ngunit ang manifesto na ito, Usman, ito ay isang pakiusap para sa pang-unawa, isang pakiusap para sa landas ng kaliwanagan,” aniya.

Nakinig akong mabuti sa kanya. ‘Di man kayang pangusin ng aking munting bungo ang lahat ng kanyang
sinasabi, itinuring pa rin ako ng aking Amo na parang tunay na kaibigan.

Alam ng aking Amo na ang manifesto ay kailanma’y ‘di makakakita ng liwanag. Ang mga taong natatakot
sa kanyang mga salita ay nakahandang harangin ito. Kailanma’y hindi nagkaroon ng pagkakataon ang sinuman sa labas ng Fuerte na basahin o marinig ang kanyang panawagan para sa isang mapayapang landas tungo sa kalayaan.

Sa loob ng bilangguan, ako ang nag-iisa niyang katiwala na tahimik na nagmamasid sa kanyang mga huling sandali bago ang nalalapit na paglilitis. Ako ang naging tanging tagapakinig sa kanyang mga pabulong na pag-iisip.

Ang sana ay masayang araw pagkatapos ng Araw ng Pasko ay naging parang Semana Santa. Disyembre 26, 1896—ako ang kanyang kasama sa Cuartel de España. Ito rin ang araw ng paglilitis.

Nanatili akong nakabantay sa labas ng hukuman, hinihintay ang kanyang pagbabalik. At nang siya’y lumabas para dalhin sa kanyang selda, napansin kong nangingilid ang kanyang mga luha. Tahimik siyang umiiyak ng ilang oras, ang ramdam ko ang lalim ng kanyang kalungkutan.

Nakita ko kung paano unti-unting nabasag ang kanyang kalooban. Masasabi kong nakiramay angkanyang pagod ng isipan sa kanyang pagal na katawan.

(ITUTULOY)

***

PAGTATATWA:

Ang anumang pagtukoy sa mga makasaysayang pangyayari, totoong tao, o totoong lugar ay pawang
kathang-isip lamang. Ang ibang mga pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari ay gawa ng mala-adonis na imahinasyon ng may-akda, at anumang pagkakahawig sa aktwal na mga pangyayari o lugar o tao, buhay man o patay, ay nagkataon lamang.