HINDI ko alam kung manhid ba o talagang gigil lang na makabalik sa pulitika si dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Mismong ang mga kaalyado niya sa oposisyon ang umiiwas na maiugnay sa kanya ang kanilang pangalan lalo’t papalapit na ang susunod na halalan.
Pinakahuli rito ang pag-aalburuto niya sa social media nang malaman niyang nakipag-pulong si Vice President Leni Robredo kina Senate President Tito Sotto, Senators Ping Lacson at Richard Gordon.
Ayon sa ngawngaw ni Trillanes, siya raw ay matagal nang humihingi ng audience kay Robredo para mailatag na ang kanilang plano para sa 2022 pero dedma dito ang pangalawang pangulo.
Pangarap kasi ni Trillanes ang Robredo-Trillanes tandem na ayon sa kanyang paniniwala ay siyang may pinakamalakas na pwersa na pambangga sa kampo ng administrasyon.
Tulad na lamang nang maglabas ng criteria ang 1-Sampayan….este 1-Sambayan pala….eh tanging si Trillanes lang ang kumagat sa inilatag nilang pain.
Si Trillanes lang ang halos ipilit ang sarili na huwag nang tumingin sa iba dahil ini-aalok na niya nang todo ang sarili bilang pambato ng sektor na iyun ng oposisyon.
Sa huli ay hindi rin pinansin ang kanyang pag-aalok sa sarili na kanilang maging opisyal na kandidato sa 2022.
Pati sa hanay ng militar kung saan siya’y unang nakilala ay mahina rin ang ipinakikitang suporta sa kanya.
Marahil ay marka ito ng mga palpak na military adventurism na kanyang sinalihan na tulad nga ng sabi ng ilan ay iilan lamang ang nakinabang sa kanilang ipinaglaban “kuno”.
Sa simula pa lamang noong una ko siyang makita nang ako ay reporter pa sa radyo at nag-cover sa kanilang sablay na kudeta sa Oakwood Hotel at Manila Peninsula nagmarka na siya sa isip ko.
Mabigat kasama sa isang grupo ang isang arogante at pabidang tao.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]