MAHIRAP nga bang mahalin ang Pilipinas?
Bakit ko natanong ito. Nitong mga nakaraang araw ay mainit na usapin ang bagong slogan na inilabas ng Department of Tourism (DOT) na “LOVE THE PHILIPPINES”.
Wari ng iba ay parang inuutusan o pinipilit tayo na mahalin ang Pilipinas.
Mas uminit ang usapin nang lumabas ang audio-visual presentation (AVP) sa social media na ipinapakita ang kagandahan ng Pilipnas. May nakapansin na apat sa pinakitang video ay kuha sa ibang bansa, gaya ng rice terraces at dolphins sa Indonesia, sand dunes sa Dubai, at fishing lake sa Thailand.
Dahil negatibo ang naging reaksyon ng sambayanan sa nasabing bagong campaign slogan ng DOT, pinutol na nila ang kanilang kontrata sa advertising company na DDB Philippines. Naglabas naman ng paumanhin ang DDB at inako ang pagkakamali.
Pero DDB Philippines lang ba ang dapat humingi ng paumanhin?
Masasabi rin na accountable o may pananagutan ang DOT sa nangyari dahil ang AVP ay hindi lalabas kung walang approval o go-signal mula sa DOT.
Maraming bersiyon ang lumalabas na kwento hinggil sa nangyaring aberya sa programang ito ng DOT. Kung ano man ang mga kwentong ito, isa lang ang malinaw: palpak ang unang big event ng DOT.
Ang tagumpay ng turismo sa isang bansa ay hindi nakasalalay sa slogan lamang. Makatutulong ito para madaling matandaan ang bansang papasyalan, pero ang mas tatatak sa isipan at puso ng isang turista o bisita ay kung paano siya itrato sa bansang kanyang binisita.
Kailangan ba talagang palitan ang slogan kada palit din ng liderato? Hindi naman ito requirement at sayang ang pondo kung palpak din lang ang programa.
Kilala na sa buong mundo ang “It’s More Fun In The Philippines.” At tila effective din naman ito bilang slogan.
Noong ako ay bumisita sa bansang Vietnam, may nakausap ako na isang turista rin at tinanong ako kung Vietnamese ako. Sabi ko Pilipina ako. Ang tugon niya ay “I heard you have good beaches there.” Sabi ko sa kanya na “our beaches are not just good, they are beautiful.”
Hindi mahirap i-promote ang ating mga likas na yaman dahil sadyang magaganda ang mga ito.
Kaya sa tanong na mahirap nga bang mahalin ang Pilipinas? Ang sagot ko: HINDI. Pero sa puntong ito, sa aking palagay, hindi angkop ang paggamit ng “love the Philippines” bilang slogan.
Alam niyo kung ano ang mahirap mahalin sa Pilipinas? Yung mga taong gobyerno na korap at hindi maamin pagkakamali nila.