ILANG natural na sakuna na ang dumaan sa atin bansa ngunit tila parang hindi pa rin tayo nasanay sa mga nakaraang delubyo na nagdulot ng pagkawala ng buhay at kabuhayan, pagkawasak ng mga kabahayan at iba pang istraktura.
Kaya’t nang sinalanta ng super typhoon Odette noong December 20 ang Northern Mindanao at Visayas, maging ang Northern Palawan ay parang naging déjá vu na naman sa ating ala-ala ang delubyo na ginawa ng super bagyong si Yolanda noong 2013 na nanalasa sa Visayas, lalo na sa Tacloban City.
Masyadong traumatic sa atin lalo na nang makita natin ang mga live news feed ng CNN ang malakas na daluyong ng tubig at sampal ng hangin na dala ni Yolanda na nagwasak sa halos 90 porsiyento ng kabahayan at istruktura sa Leyte, nakaapekto sa mahigit 14 milyong Pilipino sa 44 na probinsyang dinaanan nito at kumitil ng mahigit 6,000 at 1,800 missing.
Ito rin ang nagbunsod sa ating mga kababayan na magbukod at mag-ambag ng kanilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa kabila ng mabagal na rehabilitation ng Tacloban City at iba pang lugar na nasalanta ng bagyo.
Ngunit 2021 na ngayon at mukhang hindi pa rin tayo natututo sa mga dapat gawin lalo na sa pagpapalawig ng proteksyon sa mga ganitong klaseng kalamidad, mapa-lindol man yan o isang malawakang pagbaha.
Bagamat hindi maikukumpara ang lakas ng pagkawasak sa mga komunidad sa mga tinamaan ng bagyong Odette sa Yolanda, ang epekto ng pagwasak sa mga kabahayan ay halos magkapareho lang dahil ang huli ay hindi masyadong napaghandaan dahil na rin inaakala natin na mahina lang ito. Nagulantang na lang tayo nang biglang lumakas ang bagyo paglapit sa Mindanao at naging super typhoon. Huli na para makapaghanda ang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno na naghahanda na rin sa nalalapit na kapaskuhan.
At noong December 20 ay ganap nang naging isang super typhoon si Odette at sinira ang mga kabahayan sa kanyang mga dinaanan na nagtala ng mahigit sa 170 namatay, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ngunit ayon sa Philippine National Police ay 375 katao ang nasawi.
Sa 14 milyong apektado 1.38 milyon ang na displaced o nawalan ng tirahan mula MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN (Central Mindanao), CARAGA (Northeastern Mindanao),at BARMM (Bangsamoro). Sa ngayon 446,939 pamilya ang pansamantalang nakalikas ngayon sa iba’t ibang evacuation centers.
Ang mga karanasan na gaya nito ang mag-uudyok sa ating mga policy makers na gumawa ng mas konkretong pagsisiyasat at pag-aaral para masolusyunan ang mga problema na tila ba paikot-ikot na lang kapag dumadating ang sakuna.
Sa mga sakuna kasi na gawa ng mga super typhoon at lindol, o maging pagputok ng bulkan hindi lamang ang mga pang-unang ayuda ang dapat nasa isip ng mga nasa gobyerno kundi kung ang mga susunod na hakbang na dapat gawin, mapa short term man o long term ang mga planong ito.
Bagama’t nag improve ang search and rescue effort at relief operations nitong mga nakaraang taon, tila may isang sektor na napabayaan.
Ang tinutukoy ko ay ang pagtuon ng pansin sa pagbisita sa National Building Code na tila parang napabayaan na. Dala na rin marahil ng pag-abandona ng gobyerno mula pa noong late 1980s sa housing sector na ipinaubaya na lang nila sa mga private developer ang pagtatayo ng mga komunidad kaya’t mababa lang ang nabubuo nating mga mura subalit matibay na tahanan.
Nauna nang inilatag ng ilang ahensya ng gobyerno na pinangungunahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga itinalagang danger zones sa bansa, hindi na ito nasundan ng ibang ahensya ng gobyerno at maging ng Ehekutibo at Kongreso kung ano na ang mga susunod na hakbang.
Sa pagpapatupad kasi ng batas kung saan dapat manirahan ang tao hanggang sa pagtustos sa paggawa ng typhoon resilient at earthquake proof na kabahayan, at sa mga research lalo na sa urban planning hindi kasi alam ng gobyerno kung paano ito ipatutupad at dahil nangangailangan ang mga ito ng malaking salapi at political will.
Naririyan ang pagbabawal ng pagtayo ng bahay sa dalampasigan, tabing ilog, gilid ng bundok at yung mga nasa paligid ng fault line. Kasama na riyan ang pagbibigay sa residente ng ibang porma ng subsidy sa pagpapagawa ng kanilang bahay na dapat ay malayo sa dalampasigan. Nasanay na kasi tayo noon na makakita ng mga kabahayan sa dalampasigan na gawa lamang sa mga light material.
Ang isa pang nakaka-alarma na sa kabila ng pagkakaroon ng ng klimang tropical na masyadong mainit kapag tag-araw ay pinapayagan pa rin ng gobyerno ang paggamit ng yero bilang bubungan at ang paggamit ng mahinang klase ng semento bilang pundasyon sa mga kabahayan. Alam naman natin na recipe ang mga istrukturang ito sa disaster kapag may bagyong dumating o may malakas na lindol na tumama sa ating bansa.
Kung nakakapaglaan ang Kongreso ng pondo sa mga barangay roads, bakit hindi nito kayang maglaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga kabahayan na nadaanan na ng bagyo o ang paglikas sa kanila mula sa mga disaster-prone area?
Ang layunin ng paglutang ng isyung ito ay upang himukin ang pamahalaan na maglaan ng pondo para sa mas maayos na pagplano ng mga komunidad—at pwedeng simulan yan sa mga lugar na nasalanta na ng bagyo.
Iisipin mo na may kamahalan ang muling pagsasaayos ng mga komunidad na hindi basta natitinag kahit sampung bagyo o lindol pa ang tumama sa kanilang lugar ngunit batid naman natin na mas malaking ganansya ang tatamasain natin kapag ito’y nasimulan sa mas maagang panahon lalu pa at mukhang hindi maiiwasan ang mga mas malakas na bagyo sa mga susunod na mga taon dala ng climate crisis.
Pwede natin itong simulan ngayon pa lang sa mga probinsya ng Surigao at Agusan na sa ngayon ay pinuputakti ng mga walang habas na logging at ang mas destructive na open-pit mining operations.
Buti pa nga si senador Manny Pacquiao may plano na magtayo ng mas disenteng pabahay sa mga informal settlers sa Metro Manila na sa tingin ko ay posibleng mangyari. Nakapagbigay nga ang Kongreso ng mahigit 20 bilyong piso para sa NTF-ELCAC sa 2022 na hindi naman talaga batid kung ano ang epekto nito sa ating ekonomiya dun pa kaya sa mas matayog na plano ni Pacman.
Gusto ko rin sanang ikumpara ang itinayong astrodome ng Tacloban City na nanatiling nakatayo kahit may kalumaan na at naging temporary shelter ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda doon sa bagong tayong Siargao Sports and Tourism Complex na nilipad ng hangin ang bubungan at ibinagsak ang mga steel trusses noong kasagsagan ng bagyong Odette.
Hindi ko pa nakikita ang disenyo ng Siargao Sports Complex at kung bakit ito bumigay agad sa gitna ng bagyo, ang alam ko lang kaiba ito sa disenyo ng Tacloban City Astrodome na pabilog ang disenyo at dome shape ang bubungan na kahit tamaan ng malakas na hangin ay mananatiling nakatayo pa rin.
Ang disenyo ng istruktura ng astrodome at ang nabungaran kong nagi-iisang bahay na nakatayo na tuktok ng batuhan sa dalampasigan ng Guiuan, Eastern Samar ay magkapareho. Ang bahay na bato sa Guiuan na nanatiling nakatayo habang ang mga kabahayan at mga puno sa kanyang paligid ay itinumba ng bagyong Yolanda. Napansin ko rin na bagamat gawa rin sa bato ang simbahan sa Guiuan hindi ito pinalampas ng bagyong Yolanda flat ang harapan nito.
Ang pagsisisi at sisihan ay laging nasa bandang huli. Sa mga nagdaang bagyo na nagdulot ng pagkawasak ng mga kabahayan, may nasisi ba? Sa mga kalamidad kasi ngayon ang mga biktima pa ang lumalabas na may kasalanan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]