Abizo OFW app malaking tulong sa Pinoy sa abroad

PARA sa overseas Filipino worker (OFW) na si Almedo “Ed” Lopez, ang paghahanap-buhay sa ibang bansa ay malaking sakripisyong kinakailangang gawin upang mabigyan ng maginhawang buhay ang kanyang pamilya.

Nitong Marso, lumipad si Lopez patungong Namosa, Suva, Fiji Islands, upang magtrabaho bilang isang quality supervisor sa isang water bottling company pero sa kasamaang palad ay nauwi ito sa hindi mabuting karanasan.

Noong Hulyo 1, 2021, tumugon si Lopez sa isang survey na ipinadala ng Abizo OFW App na naka-install sa kanyang cellphone.

Ang Abizo OFW App ay isang digital monitoring system na bahagi ng POEA (Philippine Overseas Employment Agency) OFW Global Monitoring Pilot Project sa pangunguna ni POEA Administrator Bernard Olalia.

Naglalayon itong subaybayan ang kasalukuyang bilang ng mga OFW na nasa ibang bansa, at alamin ang tamang impormasyon ukol sa kanilang deployment location, employer, at kondisyon sa trabaho at pamumuhay.

Sa pamamagitan ng app, isinalaysay ni Lopez ang kanyang sitwasyon sa trabaho kung saan nakararanas siya ng ilang pang-aabuso mula sa kanyang employer tulad ng verbal abuse, suspension without due process, sapilitang pagtanggap ng 20% pay cut o bawas sa sweldo, at pagtatrabaho ng 12 oras kada araw.

Sa parehong araw, agad na tinugunan ng Abizo OFW App ang kanyang mensahe at ipinasa ang kanyang reklamo sa mga kinauukulan.

Matapos maghain ng ulat sa POEA, naisagawa ang pagpupulong para sa agarang pagpapalabas ng “Notice of Repatriation” para kay Lopez, sa pangunguna ni Deputy Administrator (DA) Villamor S. Plan ng Welfare and Employment Office ng POEA (WEO-POEA).

Agad naman itong naipasa at inasikaso ng insurance provider ni Lopez, sa pamamagitan ng AAB Management Service at Insurance Intermediaries Inc. at agad na napauwi ang inabusong OFW sa bansa.

Bagamat “direct hire” OFW si Lopez at hindi kinakailangang kumuha ng Compulsory Insurance Coverage para sa mga Agency-Hired Migrant Workers (kilala rin bilang Agency-Hired OFW Compulsory Insurance) ay kaagad na naasikaso ang kanyang reklamo.

Isa rin sa naging konsiderasyon ni Lopez sa pagkuha ng insurance ay ang access sa Abizo OFW App na nagbibigay kakayahan sa mga katulad niyang OFW na direktang makahingi ng tulong sa mga otoridad sa oras ng pangangailangan, lalo na’t walang tanggapan ng embahada ng Pilipinas sa Fiji Islands.

Base sa Republic Act (RA) No. 10022, na bumabago sa RA N0. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act (MWOFA) ng 1995, ang kaso ni Lopez ay sakop ng Repatriation Benefit, kaya naman agad siyang nabigyan ng plane ticket noong Hulyo 9, 2021.

Walong araw lamang matapos magpadala ng SOS sa pamamagitan ng Abizo OFW App, ang pagbalik ni Lopez sa Pilipinas ay naproseso at naaprubahan.

Dumating si Lopez sa Pilipinas noong Agosto 20, 2021, at kasalukuyang na-quarantine sa Cebu.

Nakatakda siyang bumalik sa Maynila sa unang linggo ng Setyembre para paghandaan ang pagsasampa ng kaso sa POEA laban sa kanyang dating employer.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]