Bitiwan mo na ang DA

ITIGIL na ang pagpapanggap.

Ang pangako na tiyakin ang food security ay hindi naman nilulutas.

At kung may secured food man, hirap makabili dahil mahal.

Dikit sa food security ang isyu ng food affordability.

Dapat hindi lang basta secured ang pagkain ng mga tao, dapat nabibili rin nila sa abot-kayang halaga.

Kaso lumalala pa ang sitwasyon.

‘Wag nang pahabain at patagalin ang pagdurusa ng mga kababayan.

Mao-obserbahan naman na naka-focus ang patakaran at galawan ni Marcos Jr. sa mas marami at mas madalas na food importation at, travel and tours.

Hindi yata nare-realize ni Marcos Jr at economic team niya, na habang import ka nang import, smuggling naman nang smuggling ang mga kawatan. 

Magkakambal yan.

Matik yan hindi at hindi lang basta pattern.

Open season din ng hoarders at profiteers.

May naparusahan ba? 

Napag-initan pa ang 10 PAL crew na dumiskarte lang naman ng sibuyas sa Saudi at United Arab Emirates (UAE), ito’y para makamura.

For the sake of accuracy lang mga ka-Publiko, 27 kilos ang pinamili nilang sibuyas.

11.5 kilos sa Saudi (PAL crew ng Flight PR 655 mula Riyadh).

Plus 15.5 kilos ng sibuyas naman mula United Arab Emirates (Flight PR 659 mula Dubai).

Namili rin sila ng kabuuang 11.5 kilos ng prutas. 

Suma tutal, 38.5 kilos ang pinamili nilang sibuyas at prutas na nagkakahalaga ng $250 o equivalent sa P13, 500.

Balak ng customs, kasuhan sila ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act o RA 10863 at Plant Quarantine Decree of 1978.

Pero ang mas nakalulungkot na balita:

Ikinuwento ni Elvin Jerome Laceda, president of the Young Farmers Challenge Club of the Philippines, na limang magsasaka sa Bayambang, Pangasinan ang nagpakamatay dahil sa sobrang pagkalugi nila sa sibuyas.

Noon pang November, 2022, nagbabala na ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) — na base sa Senate probe noong pamumuno ni Sen. Vicente Sotto III, may tinukoy na 22 persons of interest na sangkot sa large-scale agricultural smuggling.

Pinaka bigtime na sinasabi na diumano’y sangkot sa smuggling ay si dating Customs Chief Rey Leonardo Guerrero. Sinasabing protector umano ito ng mga smugglers.

Tinurn-over pa nina Sotto III ang report kay Marcos Jr. para aksyunan.

Pero sabi noon ng Bureau of Customs, may ni-review silang 126 smuggling cases at nag-file naman daw ng 112 cases sa DoJ laban sa importers.

Wala nang balita.

Ayon sa KMP, puro preliminary investigation pa lang ang nangyari, wala namang pinarusahan at ikinulong.

Sa Senate hearing nitong Lunes, pinatunayan yan ni Senator JV Ejercito, mismong principal author ng Anti-Agricultural Smuggling Law o RA 10845. Nagalit din sa aksyon ng customs laban sa PAL crew pero wala namang naparusahan na smugglers six years matapos maisabatas ang anti-agricultural smuggling law.

FYI lang mga ka-Publiko:

Ayon sa DA, masasabing large-scale ang isang smuggling kapag umabot o sumobra ito ng P10 milyon kung sa bigas at P1 milyon naman kung ang inismuggle ay asukal, mais, baboy, poultry, garlic, sibuyas, carrots, isda at ilang gulay.

Ayon sa DA, mula 2019 hanggang 2022, may ipinuslit na P667.5 milyon na agri-fisheries habang ang BOC naman ay nakatimbog ng P1.99 bilyon o halos P2 bilyon na agricultural products.

Para may ideya tayo kung paano natatalo ang mga magsasaka sa food smuggling na ito, isang halimbawa ang karanasan ng Benguet farmers.

Sa computation ng League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Areas nung 2022, may 20 porsyento hanggang 40 porsyento ng araw-araw na kita ng Cordillera farmers ang nananakaw dahil sa vegetable smuggling mula China.

Dama ba yan ng mga bituka ng budol gang nina Marcos at economic team? Syempre hindi.

Malaki na nga ang nawawala sa magbubukid na kita, binabarat pa sila ng mga middleman at traders.

Kung napanood nyo ang balita sa GMA 7 nung Lunes, hindi ka lang mabubuset, magwawala ka talaga sa galit:

Sa Senate hearing, sinabi ni San Jose, Occidental Mindoro municipal agriculturist Romel Calingasan, dismayado ang mga magsasaka.

Nalaman kasi nila na ang sibuyas na ibinenta nila sa traders/middlemen sa presyong P8 to P15 kada kilo ay itinitinda sa Metro Manila ng P700 per kilo.

Nasaan si Marcos Jr.? 

Nasa Switzerland, pa-speech-speech.

Mula nang i-appoint ang sarili bilang secretary ng Department of Agriculture, walang nagawa si Marcos Jr. para mapigilan, kundi man, pababain ang presyo ng langis at mga bilihin. 

Maski may mga kongkreto at doable na short and long-term solutions na isina-suggest ang taumbayan, dedma lang ang palasyo.

Pangunahin na riyan – suspindihin ang excise tax sa produktong petrolyo na nagti-trigger ng chain reaction sa commodity prices.

Pangalawa, subsidy sa pataba at pestisidyo, farm implements at pautang sa magsasaka.

In the main, ang solusyon na pinantatapal mo laban sa commodity price hikes ay importation.

Dyan na lang nauubos sa import payments at foreign debts ang dollar reserves ng Pilipinas kung saan malaking parte ay galing sa OFW remittances.

Totoo, systemic at structural ang pinag-uugatan ng problema.

Kaso, imbes na bunutin mo at wasakin ang mga ugat ng problema na yan, ipinagpapatuloy mo lang ng mas agresibo ang import dependency ng Pilipinas.

Sa bandang huli, hindi nalulutas ang food insecurity.

Imbes sumentro sa food production at suporta sa magbubukid, pinalulubog mo pa sila sa kahirapan. 

Imbes puspusan magtayo ng infrastructure para sa farm to market roads, irrigation at post harvest facilities tulad ng food warehouses, e trravel ka pa ng travel.

Mula July nung umupo ka sa Malacańan, walong travels abroad ka na: 

Belgium, Cambodia, China, Thailand, Singapore, Indonesia, US at Switzerland.

Hindi pa kasali sa bilang na yan ang pagbalik ni Marcos Jr. sa Singapore para maki-thrill sa Formula 1 Race ng mga rich.

Pang-pitong buwan pa lang tayo ngayon mula nang bumalik ka sa Palasyo nung July 1, 2023 pero nakasiyam na travel ka na.

Ibig sabihin, sumobra ka na sa quota na isang travel abroad kada buwan.

Masyado ka nang napagod sa pagpapa-cute sa international community.

Hindi mo na basta mababawi pa ang pinakapangit na imahe ng Pilipinas gawa ng iyong pumanaw na tatay na diktador.

Hindi mo tuloy natututukan ang nag-aalburotong sikmura ng madlang pipol.

Pahinga ka na.

Oras na para magbitiw bilang agriculture secretary at mag-appoint ng permanente sa pusisyon.

Ahm, pwera lang kung dyan sa DA kumikita kasabwat ang iba-ibang ahensya, importers at smugglers bilang bagong modus?


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]