NOONG unang panahon, sa isang mapayapang kagubatan, may nakatirang isang Maya. Sa kabila ng pagiging maliit, ang Maya ay may taglay na tapang, puso’t talino.
Bilang Tagapayo ng Kagubatan, ang munting Maya ang siyang pangalawang pinaka-maimpluwensyang ibon sa kagubatan kasunod ng Agila, at iginagalang ng lahat ng mga nilalang na naninirahan doon.
Isang umaga, habang ang sinag ng araw ay tumatagos sa matatayog na puno, napansin ng Maya ang kaguluhan malapit sa gilid ng kagubatan.
Dahil likas na mapagusisa, lumipad ito palapit sa mga nagpupulong-pulong para mag-imbestiga. Kumalat ang balita sa buong kagubatan na nagpasya raw ang isang makapangyarihang Oso na manirahan sa kagubatan.
Inaasahan ng Maya na kaguluhan ang dala ng Oso oras na manatili ito sa gubat. ‘Pag nagkagayon, mabubulabog ang mga hayop at mababasag ang kaayusan sa kagubatan.
Upang agad na matugunan ang sitwasyon, kinausap ng Maya ang bawat kawan ng hayop sa gubat para sa isang pagtitipon upang talakayin ang pananatili ng Oso.
Ang lahat ng mga hayop, malaki man o maliit, ay nagtipon—at ang bawat isa ay may kani-kanyang mga ideya at alalahanin.
Ang Oso—dahil sa kanyang napakalaking katawan, tikas at bikas—ay may angking kayabangan at naniniwala ito na siya ang pinakamalakas na nilalang sa kagubatan.
Ipinagmamalaki niya ang kanyang lakas at kanyang hinahamon ang sinumang gustong labanan siya. Malakas ang dagundong ng boses ng Oso at nakakatakot ang kanyang presensya. Ito rin ang dahilan kung bakit marami sa mga hayop ay nanginginig sa takot oras na siya’y makita.
Ngunit ni minsan ang Maya ay ‘di nagpatinag sa takot. Naniniwala ito na ang tunay na katapangan ay hindi nakasalalay sa laki o lakas ng isang nilalang—kundi sa kanyang katangian at talino.
Determinadong protektahan ang kagubatan, nagtakda ang Maya na harapin ang makapangyarihang Oso. At dumating na ang araw na nagpakita ang Oso sa kagubatan.
Lumipad pababa mula sa isang sanga ang Maya at lumapag ito sa harap ng Oso. Sadyang gahigante ang Oso kumpara sa Maya, at natawa na lamang ang Oso nang makita ang napakaliit na ibon na nangangahas na harapin siya.
Gayunpaman, sa kabila ng pagiging maliit ng Maya, ito ay nanatiling mahinahon at payapa.
“Magandang umaga po, Kuya,” awit ng Maya sa Oso, ang tinig nito ay dinadala sa hangin.
“Naparito ako upang itanong kung maaari tayong mapayapang mabuhay sa kagubatan na ito, kung saan lahat ay masaya, may kapayapaan at may pagkakaisa.”
Tumawa nang malakas ang Oso—natuwa sa giting at katapangan ng Maya.
“Munting ibon, kaya kitang durugin sa isang paa lamang. At ano ang maaaring gawin ng napakaliit na ibong tulad mo para ipagtanggol ang iyong mga kaibigan laban sa akin? Magkagayon man, anong panukala ang nais mong pag-usapan natin?”
Ang Maya, nang marinig ang mapagmataas at pagyayabang ng Oso, ay nakaisip ng isang ideya. Napangiti ito, nagniningning ang mga mata sa kanyang naisip gawin.
“Bagama’t ako ay maliit, ang aking lakas ay hindi nakasalalay sa aking laki kundi sa aking pagiging maparaan. Kung ikaw ay sumasang-ayon sa isang pagsubok ng katalinuhan—at kung matalo kita—ikaw ba ay mangangako na maninirahan sa piling ng mga hayop sa kagubatan nang hindi magdudulot ng kaguluhan o anumang pinsala?” tanong ng Maya.
Tumawa nang malakas ang Oso, sinabing isang kalokohan lamang ang nais mangyari ng Maya.
Gayunpaman, makulit ang Maya at hinamon nito ang Oso sa isang paligsahan. Kumalat ang balita sa buong kagubatan, at ang lahat ng mga nilalang ay nagtipon upang saksihan ang tila kakaibang tunggalian ng kutong-lupa’t higante.
Ang mga patakaran ay simple lamang: ang Oso at ang Maya ay pipili ng isang gawain, at ang mananalo ang siyang babalangkas ng mga bagong tuntunin ng kagubatan. Ang Oso, tiwala sa kanyang lakas, ay nagmungkahi ng isang paligsahan ng pisikal na lakas. Hinamon niya ang Maya sa isang karera, sa paniniwalang ang kanyang malalakas na mga binti ay higit na mabilis kaysa lipad ng maliit na ibon. Tinanggap ng Maya ang hamon ngunit iminungkahi rin nitong tatakbo sila paikot-ikot sa makitid na mga landas ng kagubatan. Sa pagsisimula ng karera—taglay ang pagtitiyak sa kanyang tagumpay—ang bawat daanan ng Oso ay yumayanig at dumadagundong sa bilis ng kanyang takbo.
Samantala, ang Maya ay mabilis na lumipad sa pagitan ng mga puno—lumulusot sa maliliit na puwang at paikot-ikot na mga landas na hindi man lang napasok ng Oso. Ang laki ng Oso ay naging hadlang.
Ito rin ang siyang nagpabagal sa kanyang pagtakbo sa masukal na kagubatan.
Sa bandang huli, ang Maya ang siyang nanalo sa paligsahan. Ang mga hayop ay namangha sa tagumpay ng Maya.
Kung dati-rati’y nagpapakawala ng malakas na sigaw ang Oso, naging mahinahon ito at inamin ang kanyang pagkatalo.
“Ipinakita mo sa akin na ang lakas ay nagmumula sa maraming anyo, at ang tunay na karunungan ay nakasalalay sa paggalang at pagpapahalaga sa mga kaloob sa bawat nilalang. Sa harap ninyong lahat, buong pagpapakumbabang akong nangangakong kailanma’y hindi ko guguluhin ang kapayapaan ng kagubatan,” pangako nito sa Maya.
Ang Oso, bagama’t natalo, ay hindi maiwasang makaramdam ng bagong paghanga sa maliit na ibon. Nakilala niya na ang tunay na lakas ay maaaring nasa iba’t ibang anyo.
Ang Maya ay patuloy na iginagalang ng lahat ng mga hayop sa kagubatan dahil sa kanyang karunungan at talino. Mula sa araw na iyon, ang Oso ay naging mas mapagpakumbaba—kanyang naunawaan na ang pagiging malaki’t malakas ay hindi sapat upang sumikat, makilala at igalang.