Transport group humirit ng P1 surge fee

IPINAGTANGGOL ng isang transport group ang petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humihiling na payagan ang P1 surge fee sa pasahe sa jeepney.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Pasang Masda president Obet Martin na mula sa P500 kita ng mga driver, nabawasan na ito ng P250 hanggang P300 dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ang surge fee na hiling ng mga drivers ay para kahit papaano ay makaagapay sila sa patuloy na pagbagsak ng kanilang kabuhayan.

“Kaya kami ay nakikiusap at humingi ng pang-unawa na kami ay maunawaan,” sabi ni Martin.

Sa ilalim ng inihaing petisyon sa LTFRB, ipatutupad ang P1 surge fee mula alas-5 ng madaling araw haggnang alas-8 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.

“Yung kinikita namin na P500 nabawasan ng P250 hanggang P300, bakit, simple lang, kung P10 ang itinaas at 25 litro ang ginagamit ng mga driver sa malapitang ruta, P250 na ang nawala at sa malayuang biyeha, 30 litro ang ginagamit, P300 ang nawawala,” ayon pa kay Martin.

Sa ilalim ng panukala ng Pasang Masda, magiging P13 ang pasahe kung maaaprubahan ang surge fee.