SINABI ni Pangulong Bongbong Marcos na pinag-aaralan na ng kanyang administrasyon ang pagtatayo ng subsidy fund para sa housing program ng pamahalaan para matulungan ang mga benepisyaryo sa kanilang buwanang hulog.
“Pinag-aaralan namin ni Secretary Jerry Acuzar ang pagtatayo ng subsidy fund para dito sa ating housing program. At siguro maglalagay tayo diyan, ‘pag nakahanap tayo ng pera, mga isang bilyon siguro to start with para mayroon tayong subsidy na maibibigay para sa ating mga magiging tenant,” sabi ni Marcos.
Pinangunahan ni Marcos ang pagpapasinaya ng unang phase ng Batasan Development and Urban Renewal Plan sa Batasan Tricycle Operators and Drivers’ Association (BATODA) Terminal sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City.
Ito’y bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing o 4PH Program ng administrasyon.
“On this site, we will build two high-rise buildings with more than 2,100 units for the BATODA members and their families as well as for informal settler families in the cities,” dagdag ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na batid niya na kailangan pa ring magbayad ng mga benepisyaryo ng buwanang amortisasyon.
“So the government is committed to secure the needed housing interest support for 2023,” aniya.