MAGIGING maulan ang Metro Manila bukas kung kailan nakatakdang iulat ni Pangulong Duterte ang kanyang huling State of the Nation Address, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Iiral pa rin hanggang sa katapusan ng susunod na linggo ang southwest monsoon o habagat na magpapaulan sa malaking bahagi ng Luzon, ani Vicente Palcon Jr, officer-in-charge ng Pagasa weather division.
Walang inaasahang bagyo na papasok sa bansa, pero makararanas ng maulap na papawirin na may mahina hanggang katamtamang ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.
Katamtaman hanggang malakas na southwesterly winds naman ang iiral habang magiging maalon ang tubig sa Manila Bay.