SINABI ng grupo ng mga magsasaka na Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet na inihahalo ang mga smuggled na sibuyas sa merkado sa harap nang patuloy na pagtaas ng presyo nito na umabot na sa P520 kada kilo.
Idinagdag ni Cainglet na bagamat naglalaro pa sa P250 hanggang P370 kada kilo ang farmgate price ng sibuyas, dapat ay umabot lamang sa P430 hanggang P450 kada kilo ang presyo nito sa mga palengke.
“Obviously, isinasabay ng traders yung imports and smuggled onions that have yet to be apprehended sa pagsipa artificially ng local farmgate price to justify the current onion prices,” sabi ni Cainglet.
Aniya, limitado pa rin ang naaaning sibuyas ng mga magsasaka.
“Hindi pa naman ganunn karami ang ani to justify na mataas retail prices ang onion dahil sumipa ang farmgate price. Our onion farmers are not complaining certainly but are wary because they are being used to justify the high retail prices of onions,” aniya.
Idinagdag ni Cainglet na dapat ay matiyak ng pamahalaan ang pagsuporta sa mga magsasaka hanggang matapos ang anihan.
“Again, government must intervene, post-farmgate up to the retail stage. Iginigisa tayo sa sariling sibuyas!” dagdag pa ni Cainglet.