NAGBANTA ng malawakang kilos protesta ang ilang transport groups sa susunod na linggo bilang pagtutol sa pahayag ng Palasyo na hindi na nito palalawigin pa ang deadline ng consolidation ng Public Utility Vehicle (PUV) franchise.
Ayon sa Piston, “serye ng transport strike at protest action” ang magaganap sa susunod na linggo na lalahukan ng isa pang transport group na Manibela.
Nauna nang nagpahayag si Pangulong Bongbong Marcos na hindi na nito ie-extend pa ang deadline ng consolidation, na ayon naman kay Piston Deputy Secretary General Ruben Baylon ay isang pag-pressure sa mga driver at operator.
“Hindi pa natatapos ang mga serye ng hearing ng PUV Modernization Program sa Kamara at nakabinbin pa rin ang petisyon namin sa Korte Suprema laban dito pero minamadali na ng rehimen ang pang-aagaw ng hanapbuhay ng mga tsuper at maliliit na operator,” ayon kay Baylon.
“Halatang hindi nakikinig ang administrasyong Marcos sa hinaing ng sektor ng transportasyon,” giit pa nito.