NAGTAYO na sarili nilang community pantry ang Manila Police District sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila ngayong araw.
Aabot sa 30 katao ang nakatanggap ng bigas, lugaw, face masks at face shields, ayon sa mga organizer.
Idinagdag nila na magtatayo sila ng mga community pantry sa iba’t-ibang lugar sa paligid ng Quiapo at Sta. Cruz kada araw upang mas maraming taga-Maynila ang kanilang matulungan.
Kaugnay nito, nagtayo ng tila-buffet na community pantry ang Villa Caceres Hotel sa Naga City kamakailan.
Agad namang naubos ang mga gulay at grocery items ng “Table of Hope and Solidarity with Love” dahil sa dami ng pumila.
Maliban sa food drive, nagpamahagi rin ang hotel ng 3,500 mangkok ng lugaw para sa kaarawan ni Vice President Leni Robredo.