ARESTADO ang pulis na nakatalaga sa Quezon City Police District makaraang holdapin ang remittance center sa San Miguel, Bulacan noong Lunes.
Ayon sa ulat, nasakote si Cpl. Moises Yango habang tinitiktikan ang isa pang remittance center sa bayan ng San Ildefonso.
Nakumpiska sa suspek ang perang tinangay niya, baril, mga bala at granada, at ang kanyang ID.
Nakunan ng CCTV kung paano hinalughog ni Yango ang mga drawer ng remittance center sa San Miguel bago tumakas sakay ng motorsiklo.
Agad namang natanggap ng pulisya ang ulat kaya tinugis nila ito.
Alas-3:30 ng hapon nang maispatan ang kawatan sa San Ildefonso.
Si Yango rin ang itinuturong nasa likod ng panghoholdap sa remittance center sa Nueva Ecija.
Inamin ng suspek ang krimen at sinabing nagawa lamang umano niya ang pagnanakaw dahil naadik siya sa online sabong at nawala ang pera niya sa pyramid scheme.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery at paglabag sa Republic Act 9156 o illegal possession of explosives.
Ipinangako naman ni PNP chief General Guillermo Eleazar na masisibak sa puwesto ang pulis.