NAGBABALA ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng pitong-araw na rotating brownout sa Luzon dahil sa kawalan ng sapat na power supply.
Sinabi ni NGCP external affairs chief Cynthia Alabansa na makikipagpulong ang NGCP ngayong araw sa mga distribution utilities at mga kooperatiba para mapaghandaan ng mga ito ang posibleng rotating power interruption.
“Ang grid alert status nag-umpisa kahapon. Ito ho ay hindi natin inaasahan kasi ginagawan naman ng paraan ng NGCP na ang ating maintainenace program ng mga planta, ini-schedule ho natin ‘yan. Medyo nagkakaroon ho tayo ng problema kapag merong unscheduled or unplanned shutdfown ng mga plant,” ani Alabansa.
Noong Lunes, nakaranas ng brownout ang maraming lugar sa Luzon, kabilang ang Metro Manila.
“Malaki ho ang nawala yesterday, halos 700 megawatts dahil sa mga emergency shutdowns. Ngayong hong araw na ito, kami ho ay makikipag-ugnayan sa aming customers, sa mga distribution utilities at mga kooperatiba para malaman nila na meron tayong pinaplanong posibleng power interruption para makadiskarte naman sila sa kanila-kanilang prangkisa at mga kung may mga lugar na kailangang panatiliin na may ilaw, o may kuryente, kagaya ho kung nasaan ang mga ospital, ‘yan magagawan nila ng paraan,” ayon pa kay Alabansa.
Sinabi ng opisyal na magsisimula ang “alert status” mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi at tatagal nang isang linggo. –WC