PALPAK ang price ceiling sa baboy at manok ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos hindi ito sundin ng halos lahat ng mga nagtitinda sa Metro Manila sa dalawang buwan nitong pagpapatupad na nagsimula noong Pebreo 8 at nagtapos kahapon, Abril 8.
Sa price ceiling na inaprubahan ni Duterte, ang kilo ng liempo ay itinakda sa halagang P300 habang ang kasim at pigue ay nasa P270 ang kilo. Ang manok naman ay nasa P160 ang bawat kilo.
Sa panayam ng Publiko sa ilang tindero at tindera sa Munoz Market sa Quezon City, sinabi ng mga ito na hindi maaaring sundin ang nasabing price ceiling ng pamahalaan dahil sa tiyak na malulugi sila sa kanilang negosyo.
“Ano pa ang kikitain namin kung susunod kami kay Digong? Mataas ang kuha namin sa mga supplier ng baboy at manok, kaya dedepende rin lang ang presyo nang ipinagbibili namin sa aming mga customer,” pahayag ng isang tinderang ayaw magpabanggit ng pangalan.
Matatandaang sa halos dalawang buwang pagpapatupad ng price ceiling sa Metro Manila, nanatili sa halagang P380 hanggang P400 ang kilo ng liempo at P350 hanggang P370 ang bawat kilo ng kasim at pigue. Ang kilo naman ng manok ay nasa P180.
Pahabol pa ng isang tindera… “kung gusto ninyong makamura, kay Digong kayo bumili ng baboy at manok!”