TINANGGAL sa puwesto ang hepe ng Philippine National Police (PNP) custodial unit bunsod ng pagho-hostage kay dating Sen. Leila de Lima ng tatlong detenido na nagtangkang tumakas.
“Administratively po ay ni-relieve po natin ‘yung chief ng custodial service unit para sa ganoon po ay malaman po natin kung ano ho ba ‘yung mga naging lapses po sa pag-implement ng security po sa custodial center natin,” ani PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. sa panayam sa radyo.
Hindi namang pinangalanan ni Azurin ang sinibak na opisyal.
Sa kasalukuyan, ayon sa PNP chief, ay iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang insidente.
Inilipat muna si De Lima sa PNP General Hospital upang makapahinga at makarekober sa insidente, dagdag ni Azurin.
“Kagabi po ay inilipat po natin siya pansamantala sa PNP General Hospital para makapagpahinga po siya habang inaayos ang kanyang facility kasi doon nga po nangyari ‘yung insidente,” pahayag ng opisyal.
“So medyo nililinis pa po at inaayos and naghahanap po tayo ng ibang facility doon sa loob ng custodial center na pwede po niyang paglipatan para ‘yun pong kahit papaano, hindi po niya naaalala ‘yung naging insidente doon sa kanyang facility po,” dagdag niya.
Nitong Linggo ng umaga ay napatay ang mga Abu Sayyaf members na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr. makaraan nilang saksakin ang isang pulis na nagrarasyon ng pagkain at i-hostage si De Lima sa loob ng nasabing detention facility.