BINATIKOS ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) President Lando Marquez ang phaseout ng mga tradisyunal na jeepney matapos na bigyan na lamang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga ito hanggang Hunyo 31, 2023 para makasunod sa jeepney modernization program kung saan papalitan sila ng mga mini bus.
“Talagang unti-unti na po talagang nakikita na namin dahil nga binibilang ko po, out of 5,000 or 10,000 na idrinop ng mga jeep ay wala pong jeep na naipalit. Kung hindi ang ipinalit ay mini bus at ang nakakainsulto, iyong mini bus lalagyan nila ng ‘modernized jeep’,” sabi ni Marquez.
Idinagdag ni Marquez na pinapatay ng gobyerno ang sariling produkto ng Pilipinas kapalit ng mga gawa sa China.
“Simula bata ako, talagang iisa lamang po iyong nakikita ko nga na jeep kaya ako nagdala, iyong picture noong jeep natin na ito ho iyong jeep natin – iyan ho. Kaya ito pong jeep na aking ipinapakita dito na iwinawagayway, ito ho iyong pambansang panlupang sasakyan ng Pilipinas na ang nakapirma ng proclamation na ito ay ang dating Pangulong Ferdinand Marcos,” dagdag ni Marquez.