Pasig City mamimigay ng tablets sa graduating Grade 12 students

INANUSYO ni Pasig City Mayor Vico Sotto na mamimigay ang lokal na pamahalaan ng tablets sa mga magtatapos na senior high school students.


“Magpapaalam tayo sa COA (Commission on Audit). Titingnan natin sa mga usaping legal kung pwede nating i-donate ‘yung mga tablets na hawak ng mga graduating students,” aniya sa Facebook.


“Kasi technically, property iyan ng lokal na pamahalaan. Ang accountable officer diyan ‘yung mga teachers natin. Siyempre kinakabahan din ‘yung teachers natin baka sa kanila hanapin,” aniya.


Pinaliwanag niya na tanging mga magtatapos lang na senior high school students ang kasama sa donasyon dahil ang mga magtatapos na mag-aaral na elementary ay mabibigyan naman ng bagong tablets matapos ang kanilang moving-up ceremony.


“‘Yung mga Grade 12, pag-college, hindi naman under ng DepEd (Department of Education) yun, so pipilitin natin,” dagdag niya.


“Hopefully it all works out pero ‘yan po ang gagawin natin,” sabi pa ni Sotto. –A. Mae Rodriguez