BILANG paghahanda sa pagsasara ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, tinanggal na ng mga otoridad ang mga vendors at kanilang mga puwesto sa Plaza Miranda at sa buong paligid nito.
Isasara ang simbahan mula Biyernes hanggang Linggo bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Kaya upang masiguro na hindi na dudumugin ang simbahan sa pista ng Itim na Nazareno, Miyerkules pa lang ay ipinatupad na ang zero-vendor policy sa lugar.
Sinabi ni Maj. Jervies Soriano, commander ng Plaza Miranda PCP na nagkusa namang umalis ang mga vendors.
Idinagdag niya na kokordonan na rin ang Rizal at Recto avenues, Carriedo street, at ang southbound lane ng Quezon Blvd. dahil inaasahan nilang marami pa rin ang magpupumulit na makalapit sa simbahan.
Aabot aniya sa 2,000 ang mga pulis ang ide-deploy sa Quiapo hanggang Enero 9 para masigurong masusunod ang health protocols.