WALANG may kasalanan sa pagkamatay ng senior citizen sa inorganisang community pantry ng aktres na si Angel Locsin noong Biyernes.
Ito ang sinabi ng mga kapamilya ni Rolando Dela Cruz, ang 67-anyos na residente ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City, na inatake sa puso habang nakapila sa food drive ng aktres.
Ayon sa panganay na anak na si Jennifer Fosana, nagtungo si Locsin sa East Avenue Medical Center kung saan dinala ang kanyang ama at personal itong nagpaabot ng pakikiramay.
Kinumpirma rin ni Fosana na kinausap siya ni Angel at nangakong tutulungan sila sa lahat ng gastos sa ospital hanggang pagpapalibing sa ama.
“Nandoon po si Angel Locsin, pinuntahan siya (Mang Rolando). Sinagot na raw lahat. Hindi (kami) pinabayaan doon,” ani Fosana.
Kwento niya, umalis ng bahay ang kanilang ama madaling-araw ng Biyernes para bumili umano ng ititindang balut. Nalaman na lang daw nila na pumila ito sa community pantry ni Locsin nang ibalita sa kanila ng mga kapitbahay na nag-collapse ito at itinakbo sa ospital.
“Maya-maya, nabalitaan namin inatake daw, patay na daw,” sabi ni Fosana.
Sa kanyang post sa social media, nagsori si Locsin sa pamilya ni Rolando at sinabing habambuhay niyang ihihingi ng tawad sa mga naulila ang nangyari.
“Humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po pinuntahan at nakapag-usap po kami nang personal ng mga anak niya sa ospital. Habambuhay po akong hihingi ng patawad sa kanila,” aniya.