MARAMING residente ng Valenzuela at maging ang tanggapan ni dating Mayor at ngayon ay Rep. Rex Gatchalian ay pikon na sa palpak na serbisyo ng telecommunication company na PLDT.
Reklamo ng maraming PLDT subscribers na mahigit isang linggo na silang walang Internet connection ngunit wala namang malinaw na paliwanag kung bakit ito nangyari, at di matiyak kung kailan maibabalik ang serbisyo.
Ayon naman kay Gatchalian, tatlong araw na rin walang internet connection ang kanyang tanggapan at nakipag-ugnayan na umano siya sa pamunuan ng PLDT sa Valenzuela.
“I’ve been following up for all of us since Friday. Office ko kasi wala din connection,” tugon ni Gatchalian sa isang Twitter post.
“Ang sama ng service nila. Pare-pareho naman silang lahat,” dagdag pa ng dating alkalde.
Reklamo naman ng maraming residente, lalo na ang mga working from home, na malaki na ang nagagastos nila sa pagbili ng internet data para lamang magkaroon ng connection at makapagtrabaho nang maayos.
“Upon checking, naka-stage na po sa aming field technicia nang inyong concern at meron na pong ongoing line restoration sa inyong area,” sagot ng PLDT sa query ng isang residente noong nakaraang Huwebes, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong solusyon sa internet connection problem nila.