INATASAN ni Manila Mayor Honey Lacuna si Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) head Elinor Jacinto na i-update ang listahan ng mga senior citizens sa may 896 barangay sa lungsod.
Kaugnay nito, inianunsiyo ng alkalde na nagdaraos na sila ng consultative meetings sa anim na distrito ng Maynila upang matiyak na updated ang listahan ng mga seniors sa lungsod.
Nais umano ng alkalde na matiyak na ang lahat ng matatanda na lehitimong naninirahan sa Maynila ay kasama sa listahan at matukoy na rin kung mayroon na sa kanilang lumipat ng tahanan o pumanaw na.
Nabatid na isasama na rin sa listahan, maging ang mga seniors na bagong lipat sa lungsod at maging ang mga residente na sumapit na sa 60-taong-gulang.
Hinikayat rin ni Lacuna ang mga barangays, partikular na ang mga barangay captain, kalihim ng barangay at mga treasurers upang dumalo sa nasabing consultative meetings.
Sinegundahan naman ni Jacinto ang panawagan ng alkalde at sinabing mahalaga ang kanilang pagdalo sa mga naturang pulong, dahil ang mga heads at treasurers ng bawat barangay ang siyang naatasang magpatupad ng payout para sa mga allowance ng senior citizens.
“Layunin ng mga nasabing pagpupulong na maisaayos at maiwasto ang inihahanda naming senior allowance payroll para sa mga buwan ng Enero, Pebrero, Marso at Abril 2024,” paliwanag ni Jacinto.
Nabatid na ang consultative meetings ay isinasagawa bago ang gawin ang payroll para sa allowance ng mga seniors.
Ang schedules ng mga naturang pulong ay Pebrero 21, 22, 23, 27, 28 at 29, 2024.
Sa ilalim ng city’s social amelioration package (SAP), nasa 179,000 senior citizens sa Maynila ang tumatanggap na ng P500 monthly financial assistance mula sa city government.(Jerry Tan)