IBINASURA ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na itaas ng P470 ang minimum wage sa Metro Manila.
Una nang inihain ng Trade Union Congress of the Philippines noong Marso 14 ang wage hike petition na itaas sa P1,007 ang kasalukuyang P537 na minimum wage.
Sa desisyon ng Department of Labor and Employment at RTWPB- National Capital Region, sinabi ng mga ito na ang petisyon ng TUCP ay hindi saklaw ng kanilang hurisdiksyon.
Ayon sa petisyon ng TUCP, hindi na makatwiran ang P537 na arawang suweldo ng mga manggagawa dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.