NAKAAMBA ang P3 taas-pasahe matapos manawagan ang mga transport groups na gawing P12 ang singil sa pampublikong sasakyan.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Liga ng Transportasyon at mga Operators sa Pilipinas (LTOP) president Orlando “Ka Lando” Marquez Sr. na pormal na ihahain bukas, Miyerkules, Oktubre 13, ng mga transport group ang petisyon para sa P3 dagdag pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFB).
“Maghahain kami bukas ng aming petisyon. Masama ang loob namin na mag-file nito pero wala na kaming uurungan dahil matagal na kaming humingi ng tulong sa ating gobyerno, lalo na sa LTFRB, sa DSWD,” sabi ni Marquez.
Idinagdag ni Marquez na maraming mga driver ang hirap pa rin dahil sa epekto ng pandemya at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Ilan lang ang nakatikim ng ayuda sa DSWD kaya kami hirap na hirap na, ang daming namamalimos naming mga kasamahan at talagang napakataas na po ng fuel dahil nga hindi naman nako-kontrol ng gobyerno ang pagtaas ng fuel natin because of the deregulation law,” ayon pa kay Marquez.