SINABI ni Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Kristine Evangelista na muling mabibili sa ‘Kadiwa ng Pasko’ centers ngayong Martes, Nobyembre 29, 2022 ang P25 kada kilo ng bigas bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan na mabigyan ng pagkakataon makabili nang mura ang publiko.
Sa Laging Handa briefing, idinagdag ni Evangelista na isinasagawa ang ‘Kadiwa ng Pasko’ tuwing araw ng sweldo matapos unang inilunsad ni Pangulong Bongbong Marcos sa Mandaluyong City noong Nobyembre 16, 2022.
“Inumpishan natin ang Kadiwa ng noong November 16, simultaneous po ito sa iba’t ibang lugar. Nadagdagan na tayo ng mga venue meron tayo ng November 29 at meron mga dates na inaayos natin ngayon siya ay magiging payday Kadiwa kung saan diskwento caravan din po ito, kasama natin ang iba’t ibang ahensiya,” sabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista na mabibili rin sa ‘Kadiwa ng Pasko’ centers ang mga produkto ng mga maliliit na negosyante.
“Inaayos natin kung saan ang venue para sa Kadiwa ng Pasko, meron tayong bigas,” dagdag ni Evangelista.
Nauna nang sinabi ni Marcos na malapit nang maabot ang kanyang ipinangakong P20 kada kilo ng bigas sa harap ng pagbebenta ng P25 kada kilo ng bigas.