Murder vs tanod na pumatay sa curfew violator

SINAMPAHAN ng kasong murder ang barangay tanod na bumaril at nakapatay sa umano’y curfew violator na may sakit sa pag-iisip sa Tondo, Maynila nitong Sabado.


Inaresto si Cesar Panlaqui, tanod sa Brgy. 156, sa kanyang bahay sa Dagupan st., makaraan niyang mapatay ang biktima sa panukukan ng Tayuman at Visayas.


Ayon sa ulat, nilapitan ni Panlaqui ang biktima na isang scavenger para pauwiin dahil gumagala pa ito kahit may curfew na.


Imbes na sumunod, tinangka umano ng biktima na hatawin ng yantok ang tanod pero bumunot ng baril ang huli.


Naglakad palayo ang biktima pero sinundan ito ni Panlaqui at binaril.


Nasakote ng mga pulis ang suspek at narekober ang baril na ginamit sa pagpatay.


Sinabi ng pulisya na madalas nakikitang gumagala sa barangay ang biktima at namumulot ng makakalakal.


Kinumpirma naman ng kapatid na may sakit sa pag-iisip ang biktima.


Ngayong araw ay sinampahan ng kasong murder si Panlaqui sa Manila Prosecutor’s Office.