INIHAYAG ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na may nakahandang parusa sa mga responsable sa mali-maling laman ng mga modules ng ginagamit ng mga mag-aaral.
Ito ang sagot ni Briones sa suhestiyon ni Vice President Leni Robredo na kailangang lumikha ng sistema para maiwasan ang mga palpak na learning materials.
Sinabi ni Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo na maiiwasang makarating sa mga paaralan at mag-aaral ang mga depektibong modules kung mayroong sistema na bubusisi sa mga ito.
“The recent event, which triggered the reaction, and we thank the vice president for her comments, happened in February, and has already been resolved and I am reopening it to make sure that we build the proper thing,” ani Briones.
“It is high time na… magpataw ng appropriate na sanction, ipataw ‘yung appropriate sanction sa mga nagkamali,” dagdag ng Kalihim.
Kamakailan ay inireklamo sa Kamara ang mahalay na salita na bahagi ng depinisyon ng “asawang” na nakita sa modules sa Pampanga.
Noong nakaraang Setyembre ay kinuwestiyon din ang kagawaran kaugnay sa mga bastos na pangalan na ginamit sa learning materials.