HINANGAAN ng publiko ang isang lola na pilit na ipinagpalit ang tinda niyang bitso-bitso sa mga nakuha niyang pagkain sa community pantry.
Hindi nakilala ang matanda pero, ayon sa mga netizens, nag-iwan ng malaking epekto sa kanila ang ipinakitang kabutihang-loob ng matanda.
Sa kuwento ni Lors Langoey, lumapit ang ang lola sa community pantry sa kanilang lugar at tinanong nito ang organizer kung maaari siyang kumuha.
“Pwedeng-pwede po. Kumuha lamang po ng naayon sa ating kailangan,” sagot ng namamahala.
Ang kanyang mga pinili: isang supot ng bigas, tatlong itlog, isang mansanas, isang pakete ng noodles, ilang tuyong isda, at mga gulay.
Nagulat na lamang umano ang organizer nang inilabas ng matanda ang paninda nitong bitso-bitso at inilatag sa mesa.
“Ayos lang po na hindi na po kayo magbigay,” sabi ng organizer, pero nagpumilit ang matanda.
Paliwanag ng lola, siya nagtitinda upang may makain. At ngayon na may nakuha na siya mula sa community pantry para makakain ang kanyang pamilya ay mas mainam umano kung ibabahagi rin niya rin sa iba kung ano ang mayroon siya.
Agad nag-viral sa social media ang kuwento ng matanda at puro paghanga sa kanya ang komento ng mga netizens.
“‘Yung tumulo na lang ang luha mo sa ginawa ng lola na ito, saludo po ako sa inyo.”
“Ito ang masarap tulungan, iyong mga taong nagsisikap at kapag nagkaroon ng biyaya, magbabahagi pa ng kung anong meron sila.”
“God bless you lola. Sobrang nakakataba po ng puso ang ginawa n’yo.”
“Nakaka-inspire ang lola na ito sa maraming aspeto. Una sa pagiging matulungin. Ikalawa sa kasipagan niya sa paglalako at higit sa lahat ang pagkuha niya ng sapat lamang para magkaroon din ang iba.”