Libreng Sakay tuloy na; P1.3B budget inilaan

SINABI ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na magpapatuloy ang Libreng Sakay ngayong 2023 matapos maglaan ng P1.285 bilyong pondo para rito.

“May pondo po ang Service Contracting Program sa ating FY 2023 GAA. Naglaan po ang pamahalaan ng P1.285 billion para maipagpatuloy ang programang ito ngayong taon,” sabi ni Pangandaman.

Ayon sa kalihim, alam ng pamahalaan ang importansiya ng Libreng Sakay para sa mga ordinaryong pasahero.

“Malaking tulong po ang tipid-pasahe sa araw-araw na pamumuhay ng mga kababayan natin,” dagdag ni Pangandaman.

Aniya, base sa rekord ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) umabot na sa 164,966,373 pasahero ang natulungan ng Libreng Sakay sa kahabaan ng EDSA noong 2022.