PATULOY ang pagbuga ng Taal Volcano ng volcanic smog na bumalot sa bayan ng Talisay at Tanauan City sa Batangas at iba pang kalapit na mga lugar.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot na rin ang smog sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, Bulacan, Pampanga, Bataan at Zambales.
Sinabi ng Phivolcs na ang smog na nagpapakulimlim sa Metro Manila ay sulfur dioxide.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Phivolcs OIC Renato Solidum ang mga residente, partikular sa malapit sa Taal, na huwag munang lumabas at kung lalabas man ay magsuot ng N-95 mask.
Dagdag ni Solidum, nagiging sanhi ng iritasyon sa lalamunan at hirap na paghinga ang smog.
“It consists of fine droplets containing volcanic gas such as sulfur dioxide which is acidic and can cause irritation of the eyes, throat and respiratory tract in severities depending on the gas concentrations and durations of exposure,” paliwanag ng opisyal.
Matatandaang sinabi ng Phivolcs nitong Martes na hindi galing sa Taal Volcano ang smog na bumalot sa Metro Manila noong Lunes kundi dahil sa “human activities.”