Klase sa public school suspendido mula Mayo 2-13 — DepEd

INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na suspendido ang klase mula Kinder hanggang Grade 12 sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa mula Mayo 2 hanggang 13, 2022.

Ito ay alinsunod sa DepEd Order No. 29, s. 2021 upang bigyan-daan ang election activities na lalahukan ng mga guro at kawani ng kagawaran.

“Ayon ito sa DepEd Order No. 29, s. 2021, na naglalaan sa mga nasabing araw para sa National Election-related Activities ng mga guro at kawani ng DepEd,” ayon sa kalatas.

“Ang mga guro ay inaasahan pa ring mag-report sa kanilang paaralan sa mga araw na walang election-related duties o activities,” dagdag pa nito.

Ang pambansang halalan ay gaganapin sa Mayo 9, 2022.

Ang School Year 2021-2022 ay magtatapos sa Hunyo 24.