BAWAL nang manirahan sa Ayala Alabang Village ang mga empleyadong Tsino ng mga Philippine offshore gaming operators dahil sa paglabag ng mga ito sa ilang alituntunin ng homeowners’ association.
Ayon sa Ayala Alabang Village Association board of governors, hindi na muling bibigyan ng permit upang makaupa ang mga taga-POGO dahil sa ilang violations ng mga ito.
Isa sa mga paglabag ay dapat na eksklusibong gagamitin ang inuupahang bahay ng isang pamilya lamang.
Nilabag din ng mga ito ang quarantine protocols at curfew hours sa panahon ng pandemic.
Dagdag pa ng AAVA, nakatanggap ito ng mga reklamo kaugnay sa ingay mula sa mga pagdiriwang at pag-iinom na ginaganap sa mga bahay na tinitirahan ng mga taga-POGO.
“The board of governors has deemed these offensive actions to have a large impact on the general safety, security and health of the community,” pahayag ng asosayon. –A. Mae Rodriguez