NAGKALAT sa mga palengke ang mga imported pampano, salmon at pusit sa palengke matapos ang isinagawang inspeksyon ng Bureau of Fisheries at Aquatic Resources (BFAR) sa Commonwealth Market sa Quezon City ngayong Huwebes.
Sinabi ni BFAR Assistant Director for Administrative and Other Support Services Zaldy Perez na magsisimulang kumpiskahin ang mga imported na pampano, salmon, pusit at iba pang hindi otorisadong isda sa Disyembre 4, 2022.
“Nakita naman natin ang mga sagot nila kanina na hindi sila aware sa mga imported na ipinagbabawal na imported na fish commodities kaya nga ang BFAR nagko-conduct ng intensified information drive para maging aware sila na itong mga isda na ito ay hindi po lehitimo para sa mga public market,” sabi ni Perez.
Idinagdag ni Perez na bagamat may mga import permit na inisyu ang BFAR para sa pampano at salmon, ito’y para sa mga restaurant at hotel lamang.
Ayon pa kay Perez, bukod sa kukumpiskahin ang mga isda, nahaharap din sa multa, kasong administratibo at kriminal ang mga mahuhuling nagtitinda ng mga ipinagbabawal na isda sa palengke kasama na ang pinagkunang trader nito.