NAGBABALA ang isang opisyal ng Bureau of Animal Industry (BAI) na nakamamatay ang salmonella sa gitna ng mga ulat na nagkalat ngayon at ibinibenta sa palengke ang mag frozen na itlog.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni BAI Assistant Secretary Dr. Arlene Vytiaco na posibleng makontamina ng salmonella ang mga frozen eggs.
“Meron po tayong Philippine national standard (PNS) on the hygienic practices for table eggs. Ito po ay binuo ng isang technical working group from the Bureau of Agricultural and Fisheries Standard. So based from the PNS for table eggs, ang sinasabi ang cracked eggs ay hindi fit for human consumption,” sabi ni Vytiaco.
Idinagdag ni Vytiaco na pinagsama-samang itlog ang mga frozen egg matapos tanggalin ang shell.
“Delikado kung contaminated ang egg talaga,” dagdag ni Vytiaco nang tanungin kung nakamamatay ang salmonella.
Ibinebenta ng P55 kada kilo ang frozen egg sa mga palengke.