SINAMPAHAN ng mga kasong unjust vexation at simple disobedience ang doktor na dinakip dahil sa hindi pagsusuot ng face shield habang nagbibisikleta sa Cainta noong Linggo.
Inirekomenda ng Cainta prosecutor’s office ang P3,000 piyansa kada kaso.
Pinalaya naman agad ang di-pinangalanang doktor, 35, makaraang makapaglagak ng P6,000 piyansa.
Apat na araw din siyang nakadetine mula nang dakpin sa checkpoint sa Ortigas Ave. Extension sa Brgy. Sto. Domingo ala-7:30 ng umaga noong Abril 4.
Matatandaan na pinahinto ang doktor ng mga pulis at hiningan ng ID bilang patunay na residente ito ng Cainta.
Pinayagan namang siyang umalis makaraang maberipika na isa siyang Authorized Person Outside of Residence (APOR) dahil sa kanyang pagiging doktor.
Nagkaroon lang ng pagtatalo nang sabihan siya ng mga pulis na magsuot ng face shield habang nagbibisikleta.
Iginiit ng doktor na hindi kailangang magsuot ng face shield habang nagba-bike base sa joint memorandum circular 2021-0001.
Ayon sa circular, “Bikers are not required to wear face shields due to the possible vision impairment face shields bring, bikers and users of other forms of active transport are exempted from the mandatory use of face shields outside of their residences.”
Pero iginiit ng mga pulis na dapat ay isinuot ng doktor ang face shield nang bumaba ito ng bike dahil base rin sa nasabing circular, “People must wear face shields before and after cycling or other similar activities.”
Dinala sa presinto at ikinulong ang doktor pero sinampahan lamang ito ng reklamo ng mga pulis makalipas ang isang araw.