GAGAWIN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat para malinis at mapaliguan ng publiko ang Manila Bay bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa isang taon.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DENR spokesperson Undersecretary Benny Antiporda na hindi imposible ang kanilang plano.
“Kaunti na lang po. Actually, nakikita ng ating Kalihim (na si Roy Cimatu) na ipinipilit na bago matapos ang administrasyong ito ay maging swimmable na ang area na ‘yan,” ani Antiporda.
Ipinunto niya na malaki na ang nabawas na fecal coliform level sa Manila Bay.
Idinagdag niya na malapit na ring maisakatuparan ang mithi ng DENR na maging tourist spot ang dolomite beach.