BIGO ang Department of Agriculture na maipatupad ang P250 suggested retail price (SRP) matapos itong itakda noong Disyembre 30, 2022 sa harap ng mataas na presyo ng sibuyas na umabot hanggang mahigit P700 kada kilo.
Sinabi ni Assistant Secretary Kristine Evangelista na base sa kanyang pag-iikot, ayon sa mga tindera, nanatili pa rin sa P500 kada kilo ang kuha nila sa mga trader.
“Sa aming pag-iikot din, nakausap ko po ang mga tindera, P500 ang kuha nila doon sa sibuyas. Paano nga naman niya ibebenta ng P250, so ngayon po ang tanong namin saan n’yo ba kinuha kasi meron kaming farmer cooperative na pwedeng maging supplier,” sabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista na nakikipag-ugnayan na ang DA sa mga market master para mai-link ang mga tindera sa mga kooperatiba ng mga magsasaka para makakuha sila ng murang sibuyas.
Ayon kay Evangelista, naglalaro lamang sa P190 hanggang P200 kada kilo ang farmgate price ng sibuyas.
“Yung cost structure natin naka-factored in doon ang patong ng tindera, nasa P10 to P20 at the most, ang dapat sa biyeharo P40 lang po yan,” dagdag ni Evangelista.
Sinimulang ipatupad ang P250 kada kilo na SRP noong Disyembre 30, 2022 matapos namang umabot sa P720 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa mga palengke.