Community pantry sa Pasig sinugapa ng 6 na babae

ANIM na babae ng huling-huli sa CCTV nang sugapain ang lahat ng laman ng isang community pantry sa Pasig.

Sinimot ng mga babae ang pantry na dalawang oras pa lamang naitatayo, kwento ni Carla Quiogue.

Sa CCTV footage, kita sa video na may dalang ecobag ang mga babae at doon isinilid ang mga pagkain.

Kita rin na dala ng isang babae ang dalawang tray ng itlog at walang tinira ni-isa.

Kwento pa ni Carla Quiogue, biniro pa anya ang mga babae na baka gusto nilang bitbitin na rin ang lamesa.

Paliwanag anya ng mga babae sa kanya ay ipapamahagi ang kanilang mga nakuha sa pantry sa kanilang mga kapitbahay.

Pahayag din ni Carla, isa sa anim na babae ang nagmessage sa kanya at humingi ng tawad sa pagiging gahaman.

Mas marami naman ang bumuhos na donasyon matapos makita ang nag-viral na video.