SINUSPINDE ng Grab Philippines ang mga delivery riders na pinaglaruan sa social media ang kasarian ng mga miyembro ng K-pop superstars na BTS.
Sa kalatas, sinabi ng Grab na walang lugar sa kumpanya ang ginawang pagpo-post ng mga homophobic slurs laban sa BTS ng kanilang delivery-partners.
“Inclusivity is one of Grab’s core values, and we have zero-tolerance policy for inexcusable behaviors,” ayon dito. “We have immediately suspended the delivery-partners in question and will continue to work hard to maintain an inclusive and diverse platform.”
Matatandaang nanggalaiti sa galit ang mga Pinoy ARMYs nang mabasa online ang ginawa ng ilang driver ng Grab.
Nagkomento umano ang mga driver sa dami ng umoorder ng limited edition BTS meal mula sa McDonalds.
Tinawag ng mga driver ang boyband na “BTS biot” na ang ibig sabihin ay bading ang mga miyembro ng BTS.
Sa galit, nagbanta ang mga fans na iboboykot ang Grab at imbes ay oorder na lang sila nang direkta sa McDonald’s.