UMAAPELA ngayon si Sta. Ana Hospital Medical Director Dr. Grace Padilla ng breast milk para suportahan ang pangangailangan ng 12 sanggol na inilipat sa ospital matapos ang nangyaring sunog sa Philippine General Hospital nitong Linggo.
“Pwede silang mag-donate ng gatas ng ina sa ating Justice Abad Santos Hospital doon po talaga ang milk bank ng Manila, nangangailangan din ng mga diaper, yung iba naman ay sasagutin ng lokal na pamahalaan,” sabi ni Padilla.
Idinagdag ni Padilla na 10 sanggol ang inisyal na dinala sa ospital Linggo ng umaga at nadagdagan ng dalawa pa pagsapit ng hapon.
“Sa ngayon po ang mga pasyente ay maayos naman. Na-receive naming sila na gutom na gutom, kasi mga sanggol po sila, so sa tulong ng Manila milk bank, na nakatalaga sa Justice Abad Santos, binigyan po nila kami ng pasteurized human milk,” dagdag ni Padilla.
Ayon pa sa doktor, nakikipag-ugnayan na ang Sta. Ana Hospital sa PGH para matukoy ang mga nanay ng mga sanggol.
“Kinocoordinate namin sa Philippine General Hospital para mapapunta sa amin para identify na talaga sila yung mga nanay ng mga bata. Wag po kayong mag-aalala sila po ay nasa maayos na kalagayan, doon sa aming ospital. Ina-identify lang po naming ang mga tunay na nanay,” aniya.
Tiniyak ni Padilla na may mga pagkakakilanlan ang mga sanggol para maiwasan ang switching.
“Inassure tayo ng PGH na nilagyan sila ng tamang pagkakilanlan, ang mga bata, may tag po silang nakalagay, hindi lang isa, dalawa po at ang endorsementpo ng mga personnel ng PGH ay proper naman,” sabi pa ni Padilla.