DALAWANG resettlement areas ang inilaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga informal settlers na maaapektuhan ng nakatakdang paglilinis ng tabi ng Pasig River.
Ani Marcos, nang pangunahan ang pagsisimula ng Pasig River Urban Development Project sa Binondo, Manila, inatasan na niya si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar na magtayo ng mga pabahay para sa humigit-kumulang 10 libong residente sa kahabaan ng Pasig River.
“Iniutos ko kay Secretary Jerry Acuzar ng DHSUD ang pabahay na tumutugon sa lahat ng antas ng pinansyal na kakayahan. Gagawin natin ito sapagkat tama lang na kung sino ang malapit sa ilog, ang siyang unang dapat na mabiyayaan,” wika ng Pangulo.
Itatayo ang mga pabahay sa 25-ektaryang lupa sa Baseco, Tondo, Manila at Lupang Arienda sa Rizal.
Ayon kay Marcos, isasabay sa rehabilitasyon ng Pasig River ang pagtatayo ng mga pabahay ng DHSUD. Matatapos ang mga proyekto sa loob ng tatlong taon.
“There will be scheduled milestones that will be strictly met from government agencies who are under orders to submit progress reports — to local government units along Pasig River, to MMDA, DILG and to DHSUD,” pahayag ng Pangulo upang masiguro na matututukan ang mga proyekto.