DINAKIP nitong Huwebes sa Pasig City ang Australian na tinangka umanong sagasaan si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte noong 2013.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nasakote si
Michael Hatcher, 82, sa Brgy. Caniogan.
Ani Col. Randy Glenn Silvio, hepe ng CIDG National Capital Region field unit, nagtungo sa presinto si Hatcher para ireklamo ang umano’y nagbebenta sa kanya ng pekeng gold bars sa halagang P54 milyon.
Habang iniimbestigahan ang reklamo, nagsagawa ng background check ang mga pulis sa dayuhan.
Lumabas sa pag-uusisa na mayroong warrant of arrest na inisyu ang isang korte sa Davao City laban kay Hatcher kaugnay sa kasong direct assault with attempted murder.
Base sa rekord, kinasuhan si Hatcher makaraan niya umanong tangkaing sagasaan si Polong, na noon ay vice mayor ng Davao City, at ang police escort nito noong 2013.
“While the suspect was out on bail, he failed to attend the court hearings, leading to the issuance of a warrant for his arrest,” ayon kay Silvio.
Kasalukuyang nakapiit sa CIDG office sa Camp Crame ang Australian.