MULA sa siyam, anim na lamang na rehiyon sa bansa ang apektado ng African Swine Fever (ASF), ayon sa isang opisyal ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Sa Laging Handa briefing, idinagdag ni BAI National African Swine Fever Prevention Deputy National Program Coordinator Dr. Samuel Joseph Castro na kabilang sa mga apektado ng ASF ay Region I, III, IV-A, VI, VIII at saka XII.
“Iyong sinabi kong six regions, iyon iyong mayroong currently active cases. So ito naman ay dynamic na figures, we regularly published sa Facebook page natin na Bantay ASF sa Barangay. Once na ma-resolved na iyong mga areas, natapos na iyong disease control activities sa area ay hindi na siya ini-include,” sabi ni Castro.
Samantala, inamin ni BAI Livestock Research and Development Supervising Science Research Specialist Lani Plata Cerna na may bahagyang kakulangan sa suplay ng baboy ngayong Disyembre.
“As of October 20, 2022, ayon po sa hogs supply outlook na kanilang ginawa, magkakaroon po ng bahagyang kakulangan sa karne ng baboy sa kasalukuyang quarter ng taon. May 95 percent sufficiency level tayo; mababa ito kumpara sa quarter three, kung saan may 121 percent sufficiently level tayo. So, sa kasalukuyan po mas pinaiigting pa natin ang iba nating mga proyekto tulad ng repopulation,” sabi ni Cerna.