MAAARI nang isakay sa Light Rail Transit 2 (LRT-2) ang mga alagang hayop simula Pebrero 1, 2023.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera na dapat ay nakalagay sa hawla ang mga alaga kung isasakay ng LRT-2.
Ilang alituntunin din anya ang ipaiiral para rito. Sinabi rin ng opisyal na may limit lang din ang laki ng alagang hayop ang papayagan na makasakay sa tren.
“Kaya lang may panuntunan tayong dapat sundin – among dito, is dapat fully vaccinated iyong ating mga pets and then nakalagay sila sa cage na maganda, na maayos para naman hindi makaabala doon sa mga ibang pasahero. Of course, dapat malinis, naka-diaper, iyong mga usual na mga alintuntunin na pinapatupad noong mga pet-friendly natin na mga establishments, ganoon din iyong policy na ating ii-implement,” sabi ni Cabrera.
Aniya, hindi papayagan ang nakatali lamang para maiwasan na maabala ang ibang pasahero. “Dapat naka-cage kasi iyong nakatali baka magkaroon tayo ng operational problem niyan kapag nandoon na sa loob ng tren or nandoon sa istasyon,” aniya.