3 paslit nasawi sa QC fire

PATAY ang tatlong batang magpipinsan sa sunog na tumupok sa kanilang bahay sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Aabot naman sa 80 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa insidente.

Ayon sa ulat, may edad 5, 7 at 11 ang mga biktima na nakulong sa kanilang bahay sa Father Martinez st., Brgy. Obrero.

Napag-alaman na nabitbit pa ang dalawa sa tatlong bata ng kanilang lola, pero nabitawan din nang madulas ang matanda habang pababa ng hagdan.

Naisalba naman ng mga kapitbahay ang lola.

Sinabi naman ng ina ng isa sa mga biktima na nagising sila na makapal na ang usok at naglalagablab na ang bahay alas-11:57 ng gabi Miyerkules.

Naapula ang apoy alas-3 ng umaga ng Huwebes.

Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog pero hinala ng mga imbestigador ay faulty electrical wiring ang sanhi nito.